92 BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA SA TAGUIG

DALAWANG linggo bago maganap ang local at national elections ay nakapagtala pa ang Taguig ng karagdagang 92 kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang linggo.

Sa COVID-19 update ng lokal na pamahalaan ay nakapagtala ang lungsod ng 92 bagong kaso ng virus mula Abril 17 hanggang Abril 23.

Sa naitalang 92 kaso, 44 dito ay mga bagong kaso ng COVID-19.

Base sa report ng City Health Office (CHO) nitong Abril 23, nakapagtala ang Taguig ng kabuuang 66,282 kumpirmadong kaso kung saan 10 ang kasalukuyang may aktibong kaso habang 65,766 sa mga ito ay pawang mga nakarecover na at 506 na indibidwal naman ang mga namatay sa virus.

Samantala, sa “Laging Handa” public briefing nitong Abril 22 ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sa kanyang paniniwala ay nararapat na hindi pabotohin ang mga may sintomas at mga nagpositibo sa COVID-19 sa darating na eleksyon sa Mayo 9.

Sinabi ni Duque na sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakikipag-ugnayan sa isa’t-isa ang DOH at Commission on Elections (Comelec) upang mailatag ang mga polisiya kung papayagan ang mga naka-quarantine at nasa isolation na bumoto sa eleksyon.

“Pag-uusapan iyan. Alam ninyo, mayroon pa tayong mga dalawang linggo at kalahati bago ang eleksiyon, so patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH at ang COMELEC para linawin nga itong mga katanungan,” ani Duque.

Dagdag pa ni Duque na kung siya ang tatanungin sa kanyang posisyon tungkol sa naturang usapin, pinayuhan na lamang ng kalihim ang mga may sintomas at nasa isolation na huwag na lamang lumabas ng bahay dahil baka makapanghawa pa ang mga ito. MARIVIC FERNANDEZ