93 KATAO PATAY SA LEPTOS

HUWAG balewalain ang mga sintomas ng leptospirosis.

Ito ang mahigpit na habilin kahapon ng Department of Health (DOH) sa publiko, matapos na makapagtala sila ng 93 katao na namatay sa natu­rang sakit, ngayong taong ito.

Iniulat ng DOH na  mula Enero 1 hanggang Hunyo 9, ngayong taong ito ay umaabot sa 1,030 kaso ng leptospirosis ang kanilang naitala sa buong bansa, na mas mataas ng 41 porsiyento kompara sa naitala nilang kaso noong nakalipas na taon.

Sa naturang bilang, nasa 93 katao ang iniulat na nasawi.

Anang DOH, ang mga nagkasakit ay nagkakaedad ng mula isang taon hanggang 88 taong gulang, at 872 o 85% ng kabuuang bilang ay pawang mga lalaki.

Pinakamaraming nabiktima ng sakit sa Western Visayas na nakapagtala ng 221 kaso, Caraga na may 162  at sa Region XI na may 86 kaso.

Kaugnay nito, patuloy naman ang paalala ng DOH sa mga mamamayan na mag-ingat laban sa sakit lalo na ngayong dumadalas na ang mga pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi dapat balewalain ng publiko ang mga sintomas ng sakit dahil ito’y maaa­ring makamatay.

Paalala pa ni Duque, prevention pa rin ang pinakamainam na paraan upang hindi dapuan ng leptospirosis.

“Still, the best way is prevention. Avoid, if you can, wading in floodwaters to prevent being infected by the Leptospira bacteria. Or use boots when it cannot be avoided and go to the nearest health center if you have fever for two days,” ani Duque.

Sinabi ng DOH na ilan sa mga sintomas ng leptospirosis ay mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata, matinding pananakit ng ulo, pagsusuka, pagtatae at paninilaw ng balat.

Kung batid naman a­niya ng mga residente na lumusong sa baha na maaaring kontaminado ng ihi ng daga na may ‘Leptospira spirochetes bacteria’, at makaramdam ng sintomas ng sakit, ay dapat nang kaagad na kumonsulta sa doktor.

Babala pa ni Duque, kung hindi magagamot, ang leptospirosis ay maaa­ring magresulta sa kidney failure, brain damage, massive internal bleeding at kamatayan.

“We can prevent complications of leptospirosis when its flu-like symptoms are recognized early and treated immediately. My advice to those who had to wade in the flood these past few days is to be alert for any symptom and to seek early consultation,” ani Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.