93 LENDING APPS NA NAMAMAHIYA INIIMBESTIGAHAN NG NPC

NPC-1

MAY 93 lending apps ang iniimbestigahan ng National Privacy Commission (NPC) sa gitna ng mga reklamo na ina-access ng mga operator ng naturang apps ang contact lists ng mga user na hindi nakakabayad ng utang upang ipahiya ang mga ito.

Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro, tila sa Filipinas lamang may sistema na namamahiya ang mga kompanya na nag-ooperate ng lend-ing apps ng mga hindi nakakabayad sa oras.

“At the moment nga na hindi ka makabayad ay diyan na nagaganap itong mga inirereklamo,” wika ni Liboro sa isang panayam sa radyo.

Aniya, iimbestigahan nila ang hindi tamang paggamit ng private data ng mga operator ng lending apps.

Bagama’t ang mga lending institution ay pinapayagan aniyang gumamit ng data upang beripikahin kung ang umuutang ay may kakayahang magbayad, ang operators ng lending apps ay humihingi ng access sa mas pribadong data kaysa sa kinakailangan.

“Some of the lending apps require access to a user’s contact list, phone camera, photo storage, social media accounts, SMS and even location,” ayon kay Liboro.

Naglipana ang mga reklamo ng ilang nangutang sa app na ipinahiya sila sa kanilang contacts o Facebook noong hindi sila nakabayad sa utang.