NASA 935 tiwaling pulis ang inutos na sibakin sa serbisyo matapos na sumalang sa PNP-Committee on Disposition of Administrative Cases review ang kanilang mga kaso.
Subalit nilinaw ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo na kailangan na idaan ito sa tamang proseso.
Dahil kabilang sa mga muling titingnan sa pagrerebisa ng mga kaso ay kung nasunod ba ang proseso, kung tama ang mga dokumento, at kung nabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na sagutin ang mga katanungan sa kaso.
“Kailangan natin pag-aralan kung tama ba yung kaso, dumaan ba sa proseso, nasunod ba ang due process kasi ayaw natin na later on may mga cases kasi tayo before na eto yung decision, inaffirm natin and later on nabaligtad dahil we failed to observe yung due process,” ani Fajardo.
Gaya rin ito ng mga kasong hawak ngayon ng IAS tulad ng akusasyon ng pag-ransack at pagnanakaw ng walong Cavite Police sa bahay ng isang professor sa Imus, sa kaso ng anim na pulis na inaakusang sa pagkamatay ng binatilyong si Jemboy Baltazar sa Navotas.
Nabatid na mayroon na ring recommendation ang IAS subalit dadaan pa rin ito sa masusing pagrekisa.
“And what we can assure kung ano man yung findings and we will no longer alter the said findings,” paliwanag ng opisyal.
Nabatid na matapos ang review ng Committee on Disposition of Administrative Cases, saka ito ibibigay kay PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. para sa kanyang pinal na desisyon.
Sinasabing base sa disciplinary mechanism ng PNP, sa loob ng 60 araw kailangan maresolba ang administrative cases na inihain laban sa pulis na sangkot.
VERLIN RUIZ