(9,356 pulis itatalaga) 1,106 CHECKPOINTS SA NCR PLUS BUBBLE ITINAYO

INANUNSYO ni Philippine National Police (PNP) Deputy Director for Operations at Joint Task Force COVID-19 Shield Commander, Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag nakaposte ngayon sa itinayong 1,106 quarantine control points (QCPs) o checkpoints ang 9,356 pulis.

Ito ay upang matiyak na walang lalabag sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) na epektibo kaninang alas-12:01 ng madaling araw.

Sa virtual presser na pinangunahan nina Binag at PNP Directorate for Operations, Maj. Gen. Alfred Corpus, ang nasabing bilang ng checkpoints ay sa loob ng NCR Plus Bubble o sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.

Gayunpaman, pinalawak nila ang paglalagay ng checkpoints sa Quezon at Batangas na istratehikong lugar na maaaring daanan ng magpupumilit na pumasok sa NCR Plus Bubble.

Sa nasabing bilang ng deployment, 2,297 pulis ang ipoposte sa 929 checkpoints sa Metro Manila; 982 pulis sa 162 checkpoints sa Region 3 habang 498 pulis ang idedeploy sa 15 checkpoints sa Region 4A (CALABARZON).

Kahapon ay pinulong ni PNP ChiefGen. Debold Sinas sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Vicente Danao, Jr.;, Police Region Office-3 Director, BGen. Valeriano De Leon at PRO-4A Director, BGen. Felipe Natividad para sa inilatag na checkpoints.

Maging ang mga provincial director ng Quezon at Batangas ay kasama rin sa pulong para matiyak na maipatutupad ang qua­rantine protocols na naglalayong mapigilan ang hawahan ng COVID-19.

Sinabi rin ni Binag na nanawagan si Sinas sa publiko na sumunod sa mga pulis dahil kapakanan naman ang prinoproteksiyonan kaya naghihigpit.

Samantala, tiniyak ni Corpus na kasabay ng kanilang pagbabantay sa mga checkpoint ay ang pagpapatuloy ng regular na tungkulin gaya ng pagbibigay ng seguridad at paghahabol sa masasamang element.

Aniya,may sapat din silang mga tauhan para ipatupad ang batas at pagbabantay sa checkpoints kaya walang dapat ipag-alala ang publiko. EUNICE CELARIO

3 thoughts on “(9,356 pulis itatalaga) 1,106 CHECKPOINTS SA NCR PLUS BUBBLE ITINAYO”

Comments are closed.