NASA 95% ng mga namatay sa COVID-19 sa bansa ang hindi bakunado.
Ito ang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa gitna ng pinaigting na bakunahan kontra COVID-19.
Ayon kay Duque, aabot naman sa 85% ng mga naospital ay pawang severe at critical COVID-19 infection na hindi rin bakunado.
Karamihan sa mga namamatay ay senior citizen kaya’t nananawagan ang kalihim sa mga hindi pa nababakunahan na magpaturok na dahil ligtas at epektibo naman ang COVID-19 vaccine.
Samantala, inihayag ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 special adviser Dr. Teodoro “Ted” Herbosa na dapat munang isantabi ang pangangampanya ng mga kandidato at iprayoridad ang pagbabakuna sa bansa.
Ayon kay Herbosa, mas mahalaga ngayon ang antas ng pagbabakuna kontra sa COVID-19 upang makontrol ang pagkalat ng virus.
Nabatid na bago paman nagsimula ang campaign period, umabot na sa halos isang milyong dosis ng bakuna ang naipamahagi na sa bansa kaya hinihikayat ang mas maraming Pilipino na magpabakuna upang maging ligtas laban sa COVID-19.