MAY kabuuang 96.5 million SIM cards ang nairehistro na hanggang Mayo 19, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).
Sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan na kinakatawan nito ang 57.45 percent ng kabuuang 168 million SIMs sa bansa.
Gayunman, hindi na, aniya, nila inaasahan ang 100 percent registration turnout.
“We don’t see that we will see the 100 percent mark, we’re looking at 100 to 110 [million] SIMs,” sabi ni Salvahan.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, ang mga user ay may 180 araw, o hanggang April 26, 2023 para iparehistro ang kanilang SIMs o ma-deactivate ito.
Gayunman ay pinalawig ng pamahalaan ng 90 araw o hanggang July 25, 2023. ang SIM registration period para mabigyan ng sapat na panahon ang mga hindi pa nakapagpaparehistro na magparehistro.