ORIENTAL MINDORO- PINANGUNAHAN ni Police Regional Office (PRO) Mimaropa Regional Director Brig. Gen. Joel Doria ang send-off ceremony sa Camp BGen Efigenio C Navarro, Calapan City sa 96 pulis na sasailalim sa community immersion program (CIP).
Ayon kay Doria, ang 90-araw na CIP ay para magkaroon ang mga pulis ng mas malawak na pang-unawa sa sitwasyon sa mga komunidad na ugat ng insurhensya sa bansa.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Doria ang mga pulis na isadiwa ang kanilang responsibilidad na pangalagaan ang mga komunidad, at samantalahin ang pagkakataon para makuha ang tiwala at pakikiisa ng mga mamayan sa pamahalaan.
Ang 96 na pulis sa CIP ay idedeploy sa mga liblib at mararalitang barangay sa Oriental at Occidental Mindoro.
Kasabay ng send-off ceremony ang turn-over ceremony para sa 1,500 food pack sa Naujan Municipal Police Station (MPS), 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Oriental Mindoro Provincial Police Office (PPO); at 1st PMFC ng Occidental Mindoro PPO, para ipamahagi sa mga biktima ng oil spill at iba pang mga nangangailangan sa dalawang lalawigan. EUNICE CELARIO