97.4% GUMALING NA SA COVID-19

NAKAPAGTALA ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng 97.40 porsiyento ng recovery rate sa mga pasyenteng nagpositibo sa kinatatakutang COVID-19.

Katumbas ng nabanggit na bilang ng recovery rate ay 21,460 indibidwal sa kabuuang 22,033 kumpirmadong kaso ng COVID-19 na naitala sa lungsod.

Sa report na isinumite ng City Health Office (CHO) nitong Nobyembre 27, patuloy ang pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod na sa ngayon ay mayron na lamang 27 aktibong kaso habang sa 18 sunod-sunod na araw mula Nobyembre 9 ay walang naitalang namamatay sa virus at nananatili na lamang ito sa 546.

Ang pagbaba ng kaso ng virus sa lungsod ay dahil na rin sa dedikasyon ng mga doctor, nurses at health workers sa pag-aalaga ng mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Sa 27 aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala ng CHO ay isang kaso na lamang ng virus ang nadagdag na sa kasalukuyan ay inaalagaan ng mga health workers para sa kanyang agarang pagrecover at tuluyang paggaling.

Kaya’t panawagan sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols para sa kanilang proteksyon laban sa virus kasabay ng kanyang panawagan sa mga residenteng hanggang sa ngayon ay hindi pa nababakunahan na magparehistro na para sa kanilang baksinasyon sa National Vaccination Days na magaganap sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na makakamit ng lungsod ang single-digit na bilang ng kaso ng COVID-19 bago dumating ang araw ng Kapaskuhan. MARIVIC FERNANDEZ