9,757 PULIS POSITIBO SA COVID-19

SA 219,467 miyembro ng Philippine National Police (PNP), umabot na sa 9,757 ang bilang ng nagpositibo sa CO­VID-19 kabilang ang 16 na tauhan ng PNP Police Regional Office 7.

Kinumpirma kahapon ni PNP-PRO7 Director Gen. Ronnie Montejo na 16 na pulis mula sa iba’t ibang parte ng Rehiyon 7 ang nagpositibo sa COVID-19 na halos apat na buwan ang nakalipas na wala aktibong kaso naitala.

Isinailalim na sa isolation at contact tracing ang mga nagpositibong pulis.

Mula sa 16 na nagpositibo, 14 nito ang aktibong habang nakarekober na ang dalawa sa mga ito.

Nagmula ang mga nagpositibo sa lungsod ng Cebu at dalawa naman ay mula sa Bohol.

Kamakailan lang, inanunsiyo ng Cebu City Police Office (CCPO) na nagpositibo ang isa sa mga tauhan nitong idineploy sa Basilica del Sto. Niño kasabay ng pagdiriwang ng fiesta ng Sto.Niño.

Sa datos naman ibinahagi ni Lt. Gen. Guil­lermo Lorenzo Eleazar, Deputy Chief for Admi­nistration at kasaluku­yang Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) commander, may 42 bagong kaso ang naitala sa hanay ng PNP nitong Biyernes.

Subalit, nasa 9,244 naman ang gumaling habang nananatili sa 28 ang bilang ng nasawing pulis ng dahil sa COVID-19.

Nabatid na 58.83 porsiyento o 129,117 kasapi ng PNP ang hindi pa sumasailalim sa Swab testing o walang RT-PCR test.

Umaabot naman sa 41.17 percent o kabuuang 90,350 PNP personnel ang sumailalim na sa pagsusuri.

Dahil dito, patuloy na pinaalalahanan ng opisyal ang mga nasasakupan nito na sundin pa rin ang mga health protocol kahit pa man nakauwi na ito galing sa trabaho. VERLIN RUIZ

Comments are closed.