98.38% PULIS SA BICOL BAKUNADO NA

BICOL- UMABOT na sa 98.38% ang mga nabakunahan sa hanay ng pulisya sa Police Regional Office 5 dahil na rin sa puspusang inoculation program ng organisasyon upang matiyak ang kaligtasan ng bawat miyembro nito habang isinasagawa ang kanilang mga tungkulin bilang frontliners.

Ayon sa talaan ng Regional Health Service 5, ang porsiyentong nabanggit ay kinabibilangan ng 11,387 “fully vaccinated” at 1,280 na tauhan naman nito ang nag-aantay ng ikalawang dose ng bakuna. Ang datos na ito ay mula sa kabuuang puwersa ng yunit na 12,872.

Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief Major Maria Luisa Calubaquib , inaasahan na bago pa man matapos ang taon, ang lahat ng kawani ng PRO5 ay makukompleto na ang bakuna.

Simula nang nakaraang taon, ang PRO5 ay nakapagtala ng 926 positibong kaso ng COVID-16 sa hanay ng pulisya, mula sa datos ng RHS 5, 906 ang nakarekober, 15 ang kasalukuyang nadapuan ng virus at 2 naman ang namatay.

Bukod sa bakuna, pinaalalahanan pa rin ni BGen Jonnel Estomo, RD ng PRO5, ang lahat ng pulis ng Bicol na huwag maging kampante bagkus panatilihin ang mahigpit na pagsunod sa health protocols upang makaiwas sa panganib na dala ng virus.

Sa kabilang dako, sa gitna ng banta ng pandemya puspusan pa rin ang paglulunsad ng anti-criminality campaign nang masigurado ang kaligtasan at kaayusan sa buong rehiyon.

“Napakalaking tulong na mabigyan ang ating mga miyembro ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 kaya naman pagsisikapan natin na ang lahat ng ating mga kawani ay mabigayan ng bakuna” ayon kay Estomo. VERLIN RUIZ