988 PULIS SINANAY BILANG BOARD OF ELECTION INSPECTORS

MAKARAANG maitala ang sampung lugar na isinailalim sa kontrol ng Commission on Elections (COMELEC), tiniyak ni Philippine National Police (PNP) na handa silang mag-deploy ng mga tauhan na sinanay para maging Board of Election Inspectors.

Ito ay kasunod ng pag-atras ng ilang mga guro para maging BEI sa mga lugar na isinailalim sa COMELEC control dahil sa banta ng karahasan dulot ng halalan.

Ayon kay PNP Director for Operations, Maj. Gen. Valeriano De Leon, deputy director ng Security Task Force National and Local Elections 2022, bahagi ng kanilang preparasyon ang mag-train ng mga pulis na maaaring maging BEI sakaling may mga guro na tumanggi sa nasabing tungkulin dahil sa pangamba sa seguridad.

“Mayroon kaming 988 trained personnel para maging BEIs,” ayon kay De Leon.
Sinabi pa ng heneral na sakaling maaprubahan na pulis ang umaktong BEI sa mga lugar na isinailalim sa COMELEC control ay kanilang ide-deploy ang kanilang mga tauhan.

Magugunitang anim na bayan sa Maguindanao habang ang Marawi City at tatlong bayan pa sa Lanao del Sur ang inilagay sa COMELEC control dahil sa mga election-related violence na naitala doon.
EUNICE CELARIO