UMAABOT sa 993 bagong kaso ng HIV-AIDS infection at 77 kataong nasawi sa naturang sakit ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa nitong Hunyo.
Batay sa June 2018 HIV/AIDS Registry of the Philippines (HARP), ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), nabatid na mas mababa naman ang naturang bilang ng mga bagong kaso ng sakit, kompara sa 1,015 kaso na naitala sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.
Gayunman, sa naturang bilang ay lumilitaw na 77 pasyente ang nasawi sa nasabi ring buwan.
Sa datos ng HARP, nabatid na karamihan sa mga bagong kaso ay mga lalaki na umabot sa 934 kaso o 94 porsiyento, habang ang natitirang 59 kaso ay mga babae.
Apat sa mga pasyente ay pawang buntis nang matukoy na sila ay dinapuan ng sakit, at tatlo sa kanila ay mula sa National Capital Region (NCR) habang ang isa ay mula naman sa Region 7 (Central Visayas).
Ang pakikipagtalik o sexual contact naman ang nananatiling predominant mode ng transmission o nangungunang paraan ng pagkahawa ng HIV-AIDS, na nasa 977 kaso o 98 porsiyento habang pito ang nahawa ng sakit dahil sa pakikigamit ng karayom sa pagtuturok ng ilegal na droga ng mga drug user, at dalawa naman ang mother-to- child transmission.
Ayon sa DOH, karamihan sa mga kaso ay naitala sa NCR na umabot sa 324, sumunod naman ang mga rehiyon ng CALABARZON na mayroong 167 cases, Central Luzon (123 cases), Western Visayas (66 cases), Soccsksargen (58 cases), at Central Visayas (55 cases).
Simula taong 1984, nasa kabuuang 56,275 ang confirmed HIV cases na naitala ng DOH sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.