KINUMPIRMA kahapon ng isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi isolated case ang isyu na isang dialysis center ang sangkot sa umano’y ‘ghost kidney dialysis claim’ sa kanilang tanggapan.
Ayon kay PhilHealth Spokesperson Dr. Shirley Domingo, batay sa kanilang rekord ay nasa mahigit 8,900 kaso pa ng iba’t ibang uri ng fraudulent acts gaya ng ‘ghost patients,’ ‘false claims’ at misrepresentation ng pasyente, ang iniimbestigahan nila.
“Hindi po isolated case ‘to. Sabi ko nga earlier, our record showed that currently we are investigating up to 8,900 plus cases… that’s pending in our investigation department… may mga ghost patients, false claims, misrepresentation, upcasing nakikita po namin ‘yan,” ani Domingo, sa isang panayam sa telebisyon.
Sa kaso naman aniya ng WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp., na umano’y sangkot sa “ghost kidney dialysis claims” ay wala pa namang ulat na may kasabwat itong empleyado ng korporasyon, na maaaring siyang nagpoproseso at nakikinabang din sa naturang claims ng mga pasyenteng namatay na.
Sa kabila nito, tiniyak ni Domingo na iniimbestigahan pa rin nila ang insidente at tiniyak na sasampahan ng kaukulang kaso ang kanilang mga tauhan na matutuklasang may kinalaman sa mga naturang insidente ng pandaraya.
“Wala namang inireklamo na kasabwat sa PhilHealth but we are investigating a lot of cases and kung mayroon ngang kasabwat ay talagang mahahanap po natin ‘yan at we will give necessary due process and penalty,” paniniguro pa ng opisyal.
Nagbabala rin si Domingo na depende sa magiging findings at tindi ng kaso ay maaaring matanggalan ng akreditasyon ang naturang dialysis center sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kanila.
Una nang lumutang ang dalawang dating empleyado ng WellMed na sina Edwin Roberto at Liezel Santos at ibinunyag ang pagkakasangkot ng center sa mga ghost kidney dialysis claims.
Inakusahan din naman ang PhilHealth na hindi umaaksyon sa mga ganitong insidente na mariin naman nilang pinabulaanan.
Ayon kay PhilHealth acting president at CEO Roy Ferrer, Pebrero pa nang itigil nila ang pagpapalabas ng claims matapos na ma-monitor ang pandaraya ng WellMed at nakapagsampa na rin sila ng may 28 kasong administratibo hinggil dito habang 12 pang kaso ang iniimbestigahan, at inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal.
Mariin namang pinabulaanan ng WellMed ang naturang akusasyon ng mga whistleblower. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.