9K RALIYISTA NABAKURAN, 4TH SONA NI PDIGONG MAPAYAPA

rally

QUEZON CITY – TAGUMPAY ang Philippine National Police (PNP) katuwang ang iba pang law enforcement agency gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga tanod para maging mapayapa pangkalahatan ang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.

Batay sa pagtaya ng Quezon City Police District (QCPD) as of 3 PM kahapon ay umabot ang raliyista na anti-admi­nistration sa 5,350 na nasa Commonwealth Avenue habang ang pro-Duterte na nasa IBP Sinagtala at Sandiganbayan area ay nasa 3,430.

Naging mahinahon naman ang mga raliyista at sumunod sa pulisya.

Magugunitang ilang araw bago ang SONA ng Pangulo ay sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Maj. Gen. Guiller­mo Eleazar na aabot sa 15,000 ang raliyista habang kanilang tatapatan ng bilang ng mga pulis ang nasabing numero upang matiyak ang seguridad ng lahat.

Maagang ipinoste ng NCRPO ang mga pulis sa Commonwealth Avenue sa nasabing lungsod gayundin sa iba pang estratehikong lugar sa Maynila partikular sa Mendiola bridge sa Sampaloc district at maging sa Roxas Boulevard kung saan naroon ang US Embassy of the Philippines.

ALBAYALDE SINALUBONG NG AWIT ANG RA­LIYISTA

Samantala, upang mabawasan ang init ng ulo ng mga raliyista, isang awitin na sinaliwan ng banda ang narinig mula kay PNP Chief, Gen. Oscar Albayalde kasunod ng kanyang speech.

Pumailanlang sa rally area ang tinig ni Albayalde nang ibirit nito ang kantang “Wonderful Tonight” na inawit ni Eric Clapton kaya naman natabunan nito ang mga pagsigaw ng raliyista na nagpasigla naman sa iba pang pulis na naroon.

Bago ang mahigpit na seguridad ay kinumusta nina Albayalde at Eleazar ang mga nakabakod na pulis at pinagbilinan na habaan ang pasensiya, huwag ma­ging mainit ang ulo upang makaiwas sa away at disgrasya at gawin nang tama ang kanilang mandato.

Pinaalalahanan din ni Albayalde ang mga lumahok sa rally na lahat ay may karapatan na ihayag ang damdamin subalit tiyakin na hindi lalagpas upang hindi makasakit sa kapwa.

Sa kabuuan ay maituturing na mapayapa ang ikaapat na SONA ng Pa­ngulo batay sa pagtaya ng PNP. PAULA ANTOLIN

Comments are closed.