INIHAYAG ng Department of Trade and Industry (DTI) na inaprubahan na ang pagtataas ng presyo ng sabon, canned sardines, at powdered milk.
Inaasahang aakyat ang presyo ng toilet o bath soap ng P1 hanggang P4; canned sardines ng P2 hanggang P3.59; at powdered milk ng P3.5 hanggang P6, ayon sa ulat nitong Huwebes.
Bukod sa mga nasabing produkto, pinag-aaralan din ng DTI ang panukala ng ilang manufacturers na dagdagan ang presyo ng bottled water, instant noodles, tinapay, at iba pang canned products kabilang ang corned beef at meat loaf, maging kandila at baterya.
Sa ilalim ng panukala, tataas ang presyo ng gatas ng P3.50 hanggang P6.00; tinapay ng P2.00 hanggang P2.50; instant noodles ng P0.30 hanggang P1.75; bottled water ng P1.00 hanggang P6.00; processed canned meat ng P6.00 hanggang P33.00; condiments ng P0.60 hanggang P0.65; kandila ng P6.00 hanggang P30.00; at baterya ng hanggang P10.00.
Nakaamba na ang price hikes para sa basic commodities sa pagpasok pa lamang ng taon.
Anang DTI, nagpetisyon ang manufacturers ng price increases noong pa lamang 2022 subalit hiniling sa mga ito na ipagpaliban ang implementasyon.
Inilalathala ng DTI ang price adjustments sa pamamagitan ng “e-Presyo.”
Samantala, binubusisi ng DTI at canned sardines manufacturers ang posibilidad ng paglulunsad ng “low-budget” canned sardines o “pinoy sardines” bilang mas murang alternatibo sa merkado.
“Isa yan sa mga proposal natin para magkaroon pa rin tayo ng standardized, de kalidad pero abot-kaya na presyo na produkto. Sa kasalukuyan meron yan sa tinapay kaya meron tayong pinoy tasty at pinoy pandesal,” pahayag ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles.
“We may be looking for new sources of tomato paste, which are imported or work on some importation privileges, para bumaba yung cost. We also want to work on yung aming flavoring, items from agricultural products like carrots, pepper, etc.,” ayon naman kay Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) Executive Director Bombit Buencamino.
“We need to discuss this matter with DTI. I sent them already a draft of our MOA (memorandum of understanding) of what they need to do, what we will do, and how we will approach the market.,” dagdag ni Buencamino.
EVELYN GARCIA