(Aarangkada na sa Agosto 22) LRT-2 ‘LIBRENG SAKAY’ PARA SA STUDES

LRT

SISIMULAN ng LRT-2 ang pag-aalok ng libreng sakay para sa mga estudyante sa Agosto 22, ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Hernando Cabrera.

Para maka-avail ng libreng sakay sa LRT-2, kailangan lamang ipakita ng mga estudyante ang kanilang school identification card (ID) o pruweba ng enrollment sa passenger assistants sa istasyon.

“Ang gagawin lang ng mga estudyante, ipapakita nila ang kanilang ID or kanilang proof of enrollment sa ating passenger assistance center. Kapalit nito ay bibigyan sila ng single-journey ticket na pwede nilang gamitin,” paliwanag ni Cabrera sa isang public briefing.

Aniya, ang Libreng Sakay program para sa mga estudyante ay alinsunod sa direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng unti-unting pagbabalik sa full face-to-face classes.

Ang Libreng Sakay program ng LRT-2 para sa mga estudyante ay tatakbo hanggang Nobyembre 5 at babalik sa pagbibigay ng regular 20% student discount matapos nito.