(Aarangkada na sa Dis. 1) CASHLESS PAYMENT SA TOLLWAYS

Tollway

HANDANG-HANDA na ang pamahalaan at ang mga operator ng expressways na ipatupad ang full cashless toll collection scheme transactions sa lahat ng toll plazas simula sa Disyembre 1, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).

“We are 100% ready to implement cashless transactions. Naka-ready na po ang ating toll plazas… almost 800 toll lanes na po ang naka-ready na,” pahayag ni TRB Executive Director Abraham Sales sa isang virtual press conference.

“More than 3.2 million [vehicles] na po ang may stickers ng RFID (radio frequency identification). The capacity to install is 30,000 a day… We see na ready to go po tayo for cashless payment by December 1. We want this to be efficient para maiwasan ang pag-spread ng COVID-19,” sabi ni Sales.

Ang cashless toll collection scheme ay alinsunod sa  Department Order No. (DO) 2020-012, na naglalayong makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagbabawas ng human-to-human interactions sa payment schemes.

Sa kanyang panig, nilinaw ni Transportation Assistant Secretary Goddess Libiran na ang December 1 deadline para sa 100% cashless payment scheme ay para lamang sa toll road operators at hindi para sa pagpapakabit ng RFID stickers ng mga motorista.

Ayon kay Libiran, magkakaroon ng transition period mula Disyembre 1, 2020 hanggang Enero 11, 2021.

“Ang deadline po sa December 1 ay para sa operators, hindi po ito ultimatum para magkabit ng stickers ang mga motorista. Wala pong mangyayaring hulihan mula December 1 to January 11, [2021]. Maaari lang po silang bigyan ng ticket kung pipila sila sa maling lane,” aniya.

Nauna nang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na hindi huhulihin ang mga sasakyan na walang RFID tags hanggang Enero 11.

Ayon sa DOTr, ang pagkakabit ng RFID sa toll lanes at booths ay mananatili 24/7 hanggang Enero 11 kahit lumipat na ang tollways sa fully-digital cashless system sa Disyembre.

“Matapos ang January 11, hindi na lahat ng lanes sa toll gate ay iko-convert bilang stickering lane. Magtatalaga na lamang ng isa o dalawang stickering lane, o kaya naman isang installation tent bago pumasok sa toll gate kung saan maaaring kabitan ng RFID ang mga sasakyan,” dagdag ng ahensiya.

Comments are closed.