SABAYANG PATAK NG POLIO AARANGKADA NA

Polio

AARANGKADA nang muli sa ilang rehiyon sa bansa ang ikalawang bugso ng Sabayang Patak kontra Polio ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes, Nobyembre 25.

Ayon sa DOH, isasagawa nila ang polio mass vaccination sa National Capital Region (NCR) at Mindanao at magtatagal ito hanggang sa Disyembre 7.

Kaugnay nito, muli namang umapela sa publiko ang DOH, sa pangunguna ni Secretary Francisco Duque III, na samantalahin ang pagkakataon at pabakunahan laban sa sakit ang kanilang mga anak na nagkakaedad ng 0-59 buwang gulang lamang.

Aniya, hindi katanggap-tanggap na may mga bata pa ring dinadapuan ng polio, gayung maaari naman itong maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna.

“We are reiterating to all parents and caregivers to have their 0-59 months children immunized with the polio vaccine from November 25 to December 7,” panawagan pa ni Duque.

Tiniyak din niya na higit silang determinadong masiguro na wala nang bata pang hindi mababakuhanan sa ikalawang round ng Sabayang Patak Kontra Polio sa Metro Manila at Min­danao.

Una nang iniulat ng DOH na umabot sa 96% ang coverage ng isinagawa nilang Sabayang Patak noong Oktubre, sa mga batang nasa limang taong gulang pababa, sa 17 lungsod at munisipalidad sa NCR.

Sa Davao del Sur, nakapagtala naman ng 92% na coverage mula sa 10 lungsod at munisipalidad doon, habang sa Lanao del Sur ay mayroon namang 85% coverage sa may 40 lungsod at munisipalidad.

Sa ngayon, nasa pitong kabataan na mula sa Luzon at Mindanao ang kumpirmadong dinapuan ng polio sa bansa, matapos na makapagtala pa ng tatlong panibagong kaso ng polio mula sa Minda­nao, ang DOH kamakailan lamang.

Sa Enero, inaasahang magdaraos ng ikatlong bugso ng polio mass vaccination ang DOH sa Mindanao. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.