TUMAAS ang abaca output ng bansa mula Enero hanggang Mayo ng 1.4 percent sa 26,509.19 metric tons (MT) mula sa 26,149 MT na naitala noong nakaraang taon sa likod ng mas malakas na produksiyon ng Mindanao regions, ayon sa Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA).
Sa datos na ipinalabas ng PhilFIDA, ang abaca production sa limang rehiyon ng Mindanao ay nagtala ng double-digit growth, na nagpagaan sa 28.9 porsiyentong pagbaba sa output ng Bicol region, ang top producer ng fiber sa bansa.
Ang abaca output sa Bicol region ay bumagsak sa 7,496.55 MT mula sa 10,548.875 MT na naitala sa five-month period ng 2017. Dahil sa halos 30-percent decline sa produksiyon, ang sapi sa total output ng rehiyon ay bumaba sa 28.3 percent mula sa 40.3 percent noong nakaraang taon.
Ang total abaca output ng Mindanao ay tumaas ng mahigit sa one-third sa 14,550.625 MT mula sa 10,834.125 MT na naitala sa January-to-May period ng 2017.
Ang Davao region ang top producer ng abaca sa Mindanao na bumubuo sa 20.7 percent share ng total output sa five-month period.
Ang Davao-based farmers ay nagprodyus ng 5,480.94 MT ng abaca, na mas mataas ng 35.3 percent sa 4,050.56 MT na naitala noong nakaraang taon. Ang Davao ay bumubuo lamang sa 15.5 percent ng total output sa January-to-May 2017 period.
Ang Northern Mindanao ang nagposte ng pinakamataas na year-on-year output sa nairehistrong 65.8-percent expansion.
Ang abaca production ng Northern Mindanao sa five-month period ay umabot sa 2,119.81 MT mula sa 1,278.5 MT na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang iba pang rehiyon ng Mindanao tulad ng Zamboanga Peninsula ay nagtala ng 60.6-percent year-on-year output growth, habang ang abaca production sa Soccsksargen ay tumaas ng 42.5 percent.
Ang abaca production sa Caraga ay tumaas naman ng 37 percent year-on-year habang ang ARMM ay nagposte ng 10-percent growth. JASPER ARCALAS, MAURO S. MENDOZA