(ni CT SARIGUMBA)
MALUSOG na pangangatawan, kailangan iyan ng bawat isa sa atin. Mahirap ang maging sakitin lalo na sa panahon ngayon na napakamahal ng mga bilihin.
Pero hindi madali ang maging malusog lalo na’t karamihan sa atin ay napakaraming pinagkakaabalahan—trabaho, pag-aaral at kung ano-ano pa.
Minsan, dahil sa kaabalahan ay hindi natin nagagawang kumain ng masustansiya. Madalas pa nga, nag-skip tayo ng agahan da-hil sa pagmamadali.
Pero gaano man kaabala ang bawat isa sa atin, ugaliin pa rin nating kumain nang mapanatiling healthy ang kabuuan. Narito ang ilang simpleng paraan upang maging healthy sa kabila ng kaabalahan:
KUMAIN NG PRUTAS
Walang panahong magluto? Hindi problema iyan. Dahil puwedeng-puwede kang kumain ng prutas.
Isa nga naman ang prutas sa napakainam na ipanlaman sa tiyan. Maganda ito sa katawan. Abot-kaya lang din naman sa bulsa ang karamihan sa mga prutas. Puwede kang bumili ng saging, mansanas, orange o kaya naman avocado.
Siguraduhin ding may mga pagkaing naka-stock sa kitchen nang may maipanlaman sa tiyan. Mainam din kung sa gabi pa lang ay pag-iisipan na ang kakainin kinabukasan. Hindi lamang din breakfast ang kailangang planuhin, kundi maging ang merienda, tanghalian at hapunan.
MAGLUTO NG GULAY
Importante rin siyempre ang pagkain ng gulay dahil sa benepisyong dulot nito sa katawan.
Oo, abala tayo kaya’t wala tayong panahong magluto. Pero saglit lang namang lutuin ang maraming gulay. Kumbaga, hindi ito gugugol ng matagal na oras. Halimbawa na lang ang sitaw, puwede mo itong igisa lang. Lagyan lang ng kaunting karne, timplahan at may puwede ka nang kainin.
Puwede ka ring mag-steam ng kangkong, broccoli, okra o talong. Kung wala ka namang steamer, pagkaluto ng sinaing ay puwede mo itong ipatong.
Piliin din ang mga healthy na pagkain.
SUBUKANG UMIDLIP NG 20 MINUTES
Makatutulong din ang pag-idlip ng 20 minutes upang ma-recharge ang katawan at isipan. Malaki ang maitutulong ng pag-idlip ng kahit na 20 minutes upang ma-refresh ang utak at magawa ng maayos ang lahat ng mga kailangang tapusin.
Alam naman nating pagdating ng 2pm, inaantok na tayo’t nakadarama na ng pagod. Tamang-tama ito upang mag-nap o umid-lip nang magkaroon ulit ng energy ang katawan na magagamit sa mabilis na pagtapos ng iyong trabaho o gawain.
MAG-MEDITATE BAGO MATULOG
Sabihin mang sobrang pagod tayo sa trabaho, hindi pa rin natin natitiyak na makatutulog tayo ng mahimbing. Isang paraan upang makatulog ng maayos ay ang pagme-meditate bago humiga sa kama.
Kahit na five minutes lang na pagme-meditate ay makatutulong na ito upang magkaroon ka ng good night sleep.
PATAYIN ANG GADGET
Madalas na idinadahilan ng marami sa atin na ang paglalaro sa cellphone o kaya naman ang pagkahilig sa social media ay isang paraan upang ma-relax. Minsan nga, ginagamit pa natin ang gadget na pampatulog.
Ngunit mas mahihirapan ka lang na makapagpahingang mabuti kung nasa kama ka na ay hawak-hawak mo pa rin ang iyong cellphone o tablet.
Para talagang makapagpahingang mabuti, patayin ang gadget. O huwag nang gumamit nito kapag nasa loob na ng kuwarto.
MAGBAKASYON
Hindi naman porke’t busy ka sa trabaho o sa kahit na anong bagay ay puro na lang trabaho ang aatupagin mo.
Importante pa ring nakapagpapahinga tayo. Kaya’t mainam gawin ay ang pag-schedule ng bakasyon nang mabigyan ng panahon ang sarili na makapagpahinga at makapag-recharge.
Busy nga naman ang marami sa atin. Pero huwag nating gawing dahilan ang pagiging abala para mapa-bayaan ang ating sarili, lalong-lalo na ang ating kalusugan. (photos mula sa newsnation.in, myreci-pes.com at zandxvillas.com)
Comments are closed.