(Abalos kay Azurin) ‘ANG VIDEO ANG EBIDENSIYA KO!’

SINAGOT ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang pahayag ni Philippine National Police chief Gen. Azurin na walang nangyaring cover-up sa operasyon kung saan narekober ang 990 kilo ng shabu.

Sa isang statement na pinadala ni Abalos sa mga mamayahag sa Camp Crame kahapon, sinabi ng kalihim na sa batas, may prinsipyong “RES IPSA LOQUITUR”, o “the thing speaks for itself”.

Ayon sa kalihim, ang mismong video ng operasyon ang nagsasabi kung ano ang nangyari. Ang video na tinutukoy ni Abalos ay ang CCTV footage sa labas ng lending Agency na pag-aari ni Master Sgt. Rodolfo Mayo noong araw na narekober ang 990 kilo ng shabu na kanyang iprinisinta noong nakaraang Linggo.

Dito’y pinangalanan ni Abalos ang ilang mga opisyal at tauhan ng PNP na pinagpapaliwanag tungkol sa mga mistulang anomalya sa operasyon.

Sinabi naman ni Abalos na nirerespeto niya si Azurin, pero naniniwala siya na sa ngayon ay kailangang malaman ng publiko ang katotohanan, hindi lang sa 42 kilo ng kinupit na shabu, kundi kung ano ang nangyari sa 900 kilong nakumpiska.

Sinabi pa ng kalihim na tiwala siya na iimbestigahan mabuti ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang insidente.

Nauna rito, nanawagan si Azurin kay Abalos na sana ay “mag-focus” ito sa tunay na kaaway dahil naniniwala umano ang huli na mas marami pang matataas na opisyal ng PNP ang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Giit ng PNP chief, hindi dapat maniwala ang kalihim na umano’y mga misinformation na ibinibigay ng mga nakapaligid sa kanya. EVELYN GARCIA