NANAWAGAN si Interior Secretary Benhur Abalos kay Pastor Apollo Quiboloy na sumuko at harapin na lamang niya ang kanyang mga kaso sa korte.
Ayon kay Abalos, nararapat lamang na tapusin na ito ni Quiboloy kung naaawa ang kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ sa kanyang mga tagasuporta.
Matatandaan na inisyuhan ng arrest warrant si Quiboloy na nahaharap sa kasong sexual abuse of minors at qualified trafficking.
“Ako ay nananawagan kay Pastor: Let’s end this. Kung ikaw ay naaawa sa mga follower mo, alang-alang sa sarili mo, sumurrender ka na,” aniya.
Giit ng Kalihim, ilabas na lang ni Quiboloy ang kanyang depensa sa korte at sumuko na lang sa kapulisan bago pa mauwi sa gulo ang sitwasyon.
“Kung mahal niya ang followers niya, let’s end this. Ito ay order na ng korte. May warrant ka. Sumurrender ka na. Ikaw ay dapat managot. Ilabas mo sa korte ang depensa mo,” giit ng Kalihim.
Pinuna rin ang paulit-ulit na pagkontra ng kampo ni Quiboloy sa International Criminal Court (ICC) bilang pagpabor sa mga korte ng Pilipinas ngayong ‘di nila kinikilala ang mga arrest warrant mismo ng Davao at Pasig Regional Trial Courts (RTC).
Kapansin-pansin diumano na pinaniniwalaan lang ng kampo ni Quiboloy kung ano ang pabor o “convenient” sa kanila ngayong mga Pilipinong husgado na ang nag-isyu ng mga arrest warrant.
“Totoo po ‘yun. Ang problema, kung ano lang [ata] ang convenient sa kanila. ‘Yun ang sinasabi nila parati. Mapunta ka sa ganung klaseng sitwasyon, iba naman ang sinasabi,” ayon kay Abalos.
Inihayag ni Abalos ang panawagang ito sa isang panayam sa radyo matapos niyang ianunsyo ang P10 milyong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa pinagtataguan ni Quiboloy.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame kasama si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil, sinabi ni Abalos na ang “reward” ay mula sa mga “kaibigan” na “frustrated” sa patuloy na pagbabalewala sa batas ni Quiboloy, na nahaharap sa kasong sexual abuse of minors at qualified trafficking.
Kasabay nito, nag-alok din si Abalos ng tig P1milyong pabuya para sa ikadarakip ng limang kapwa-akusado nito.
Nagbabala naman si Gen. Marbil, na ang sinumang nagtatago kay Quiboloy ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 1829 o obstruction of Justice.