MULING namayagpag ang husay at dedikasyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Benjamin “Benhur C. Abalos. Jr. sa larangan ng paglilingkod sa mamamayan sa pagkilala sa kanya bilang “Nation Builder” ng isang tanyag na magazine kamakailan lamang sa Manila Hotel.
Ang pagkilala ay iginawad ng Rising Tigers Magazine sa okasyon ng kanilang anniversary issue na may temang “Beyond Leadership.” Itinampok sa nasabing isyu ng magazine ang ilan sa mga “emerging leaders, nation-builders at captains from different industries.”
Ang mga ginawaran ng parangal ay mga taong may nagawang pagbabago sa kasalukuyang salinlahi at nagkaroon ng mabuting kontribusyon hindi lamang dahil sa tagumpay ng kanilang mga kumpanya kundi dahil pinilit nilang maabot ang mga mahihirap at marginalized na kababayan.
Ayon naman sa isang panayam sa bumubuo ng magazine, hinangaan na nila ang kalihim dahil sa mga proyekto nito kahit noong hindi pa siya DILG secretary. “As the DILG top honcho, he is super visible with outstanding performance not just for one activity but to all.”
Bukod kay Abalos, tatlo pang opisyal ng pamahalaan ang nakatanggap ng Nation Builder award—sina Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual, House Deputy Speaker Vincent Franco Frasco ng Cebu, at si Commission on Elections Chairman George Erwin Mojica Garcia. Sina PBA Partylist Congresswoman Margarita Nograles at Budget Sec. Amenah Pangandaman naman ay kabilang sa mga Women of Substance awardees.
“Buong galak at pasasalamat ko pong tinatanggap ang karangalang ito,” anang kalihim. “Iniaalay ko ang pagkilalang ito sa lahat ng mga kasamahan ko sa DILG na nagtutulong-tulong para iangat ang antas ng pamamahala sa mga pamahalaang lokal,” pahayag ng kalihim.
Kamakailan lamang ay nakakuha ng 85% performance rating at 90% trust rating si Abalos sa Boses ng Bayan survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. Nanguna si Abalos sa hanay ng mga Cabinet secretaries ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
EVELYN GARCIA