ABALOS, POSITIBO SA COVID-19

KINUMPIRMA ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. nitong Lunes na nagpositibo siya sa COVID-19.

Ito ay base sa resulta ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test na isinagawa sa kanya noong Linggo, bago ang kanyang pagdalo sa isang pulong sa Malacañang nitong Lunes.

Sa isang pahayag, sinabi ni Abalos na wala naman siyang anumang sintomas ng sakit na nararanasan lalo na at fully-vaccinated naman siya at may booster shots pa laban sa virus.

Kasalukuyan aniya siyang naka-home isolation ngunit patuloy pa rin sa kanyang pagtatrabaho.

“I am currently at home in isolation and working remotely while strictly following recommended protocols, including health and safety procedures. I am grateful to have been fully vaccinated with booster. I am asymptomatic and feeling well as of the moment,” ayon kay Abalos.

Kaugnay nito, inatasan rin ni Abalos ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng contact tracing at agad na abisuhan ang mga taong nagkaroon ng direct contact sa kanya, bunsod ng posibleng exposure sa virus.

Matatandaang nitong Linggo, si Abalos, kasama sina PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., Manila Mayor Honey Lacuna at iba pang opisyal ng PNP, ay humarap sa media para sa isang press conference sa Camp Crame, Quezon City kaugnay ng pagkakakumpiska ng P6.7 bilyong halaga ng shabu sa Maynila, at pagkakaaresto ng ilang suspek, na kinabibilangan ng isang pulis.

Binisita rin ni Abalos si dating Sen. Leila de Lima at kinumusta matapos itong i-hostage ng tatlong preso na dating miyembro ng Abu Sayyaf Group na nagtatangkang tumakas mula sa custodial facility ng Camp Crame.

“I am also humbly appealing to everyone who I came across over the past two days to monitor yourselves for Covid-19 symptoms and promptly get tested and isolate away from others once symptoms develop,” pahayag ng DILG chief. EVELYN GARCIA