ABALOS SA LGUs: TRIKES, PEDICABS BAWAL SA MGA HIGHWAY

MULING nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga local government units (LGUs) na mahigpit na ipatupad ang mga regulasyon sa pagbabawal sa mga tricycle, at mga pedicab sa mga national highway.

Ayon kay Abalos,, bagamat nagbibigay ng accessible at abot-kayang paraan ng transportasyon ang mga trike at pedicab ay nagiging peligro naman ito sa kaligtasan ng mga driver at kanilang mga pasahero.

Inilabas ni Abalos ang paalala matapos mabangga ng pampasaherong bus ang isang tricycle habang binabaybay ang national highway sa Labo, Camarines Norte noong Pebrero 4.

Gayunman, sinabi ni Abalos na kung sakaling walang mga alternatibong ruta na magagamit, ang LGU sa pamamagitan ng Sanggunian nito ay maaaring maglabas ng exception.

Ito ay alinsunod sa LTO MC 94-199 na inisyu noong Mayo 2, 1994 na nagtatakda ng mga alituntunin para ipatupad ang devolution ng awtoridad sa franchising ng LTFRB sa mga tricycle-for-hire sa mga local government units alinsunod sa Local Government Code (RA 7160).

Matatandaan, naglabas ang DILG ng Memorandum Circular (MC) 2020-036 noong Pebrero 2020, na nagbabawal sa mga trike, pedicab at motorized pedicab na mag-operate sa mga national highway, at inulit ang MC No. 2020-145 na inilabas para sa pagpapatuloy ng road clearing.

Inilabas din kamakailan ng DILG ang MC 2023-195 na humihimok sa lahat ng local chief executives na muling ayusin o muling itawag ang kanilang Tricycle Task Force (TTF) para i-update ang kanilang Tricycle Route Plan (TRP) na magsasama ng penal provisions para sa mga lalabag.

Sa pagbanggit ng mga ulat mula sa Metro Manila Accident and Reporting System, sinabi ni Abalos na noong 2022 lamang ay 2,829 na aksidente sa kalsada ang naitala na kinasasangkutan ng mga bisikleta, e-bikes at pedicabs.

Ang bilang ay hiwalay sa 2,241 na aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga tricycle. EVELYN GARCIA