Abalos sa mga botante: “MGA SANGKOT SA ILLEGAL NA DROGA HUWAG IBOTO”

HINIMOK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga botante na huwag iboto ang mga alam nilang sangkot sa illegal na droga at iwasan din ang vote-buying at vote-selling kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Sa kanyang talumpati sa Memorandum of Agreement signing sa pagitan ng DILG at Commission on Elections kahapon, pinaalalahanan ni Abalos ang mga botante sa posibleng panganib ng pagbili ng boto at hindi pagboto ayon sa konsensya.

Ayon din kay Abalos, dahil nahaharap ang bansa sa ilang dilemma gaya ng droga at kriminalidad, mahalagang huwag iboto ng publiko ang mga kandidatong tila sangkot sa ilegal na droga at walang mga prinsipyo.

“Nagsisimula ito sa botohan. Kung iluluklok natin ang mga sangkot sa droga at kriminalidad, sisingilin ang barangay. Sisingilin ang munisipyo. Sisingilin ang bayan. Walang mangyayari sa atin,” giit ni Abalos.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng kalihim ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay na isumite ang kanilang imbentaryo ng mga ari-arian at mga dokumentong pinansyal sa DILG.

“Nanawagan ako sa mga kasalukuyang opisyal na isumite sa amin ang kanilang imbentaryo ng barangay. Ito ay upang matiyak ang maayos at mapayapang turnover pagkatapos ng botohan at proklamasyon ng mga nanalo,” aniya.

Dagdag ng DILG chief, hangad nito na maging mapayapa at maayos ang nalalapit na halalan. EVELYN GARCIA