CEBU- PILIT na inahabol ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Cebu ang may 185 abandoned balikbayan boxes na dumating papuntang Cebu, Bohol, Negros, at Siquijor bago magbagong taon.
Sinimulan na ng Aduana ang pamamahagi ng mga inabandonang balikbayan boxes sa ilang bahagi ng Visayas.
Sa ulat, nasa 185 abandoned balikbayan boxes ang dumating sa BOC – Port of Cebu kung saan agad itong ipinahatid ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mga consignee na nakarehistro.
Ang mga nasabing balikbayan boxes ay kabilang sa mga libo-libong packages na idedeliver ng libre sa mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na matagal na rin natengga sa warehouses ng BOC.
Napag alaman na ang mga nasabing packages ng mga OFW ay pawang mga nabiktima ng manlolokong consolidators sa ibang bansa kung saan ay inabandona at tumakas pa sa pagbabayad ng buwis.
Upang hindi masayang ang mga pinaghirapan ng mga OFW ay inutos ni Ruiz na ihatid ang mga bagahe sa mga consignee ng walang babayaran ang mga kamag anak ng mga OFW.
Nangako naman ang Port of Cebu na bibilisan ang pagpapadala ng mga balikbayan boxes para sa kapakanan ng mga OFW. VERLIN RUIZ