(Abante sa 2-1)GINEBRA BALIK SA PORMA

Laro bukas:
(Araneta Coliseum)
6 p.m. – Ginebra vs TNT

NAGPAULAN si Stanley Pringle at ang Barangay Ginebra ng tres upang pataubin ang TNT, 117-103, at mabawi ang kontrol sa PBA Governors’ Cup finals kagabi sa Araneta Coliseum.

Bumuslo si Pringle ng perfect 6-of-6 mula sa 3-point area at 7-of-7 overall upang tumapos na may 22 points sa kanyang unang start sa conference para sa Gin Kings, na nagsalpak ng 18 triples sa 56% clip upang kunin ang 2-1 bentahe sa best-of-seven affair.

Kumana rin sina Jamie Malonzo at Justin Brownlee ng anim at tatlong triples, ayon sa pagkakasunod, kung saan pinangunahan nila ang krusyal na fourth-quarter run.

Nagsalpak sina Malonzo at Brownee ng tig-dalawang three-pointers sa 25-9 blast na bumasag sa 88-88 pagtatabla at nagbigay sa Kings ng 113-97 bentahe, wala nang tatlong minuto sa orasan.

Nsgbuhos si Brownlee ng team-high 29 points na sinamahan ng 8 rebounds at 5 assists upang bumawi mula sa nakadidismayang 12-point outing sa kanilang 95-82 pagkatalo sa Game 2 noong Miyerkoles.

Tumabo si Malonzo ng 27 points sa 66% shooting mula sa 3-point range na may10 rebounds, habang nagsalansan si Scottie Thompson ng 16 points, 10 assists, 5 rebounds, at 2 steals.

Nanguna si Rondae Hollis-Jefferson para sa Tropang Giga na may 32 points, 10 rebounds, at 6 assists.

CLYDE MARIANO

Barangay Ginebra 117 – Brownlee 29, Malonzo 27, Pringle 22, Thompson 16, Standhardinger 16, Gray 5, J.Aguilar 2, Mariano 0, Pinto 0, Onwubere 0.
TNT 103 – Hollis-Jefferson 32, M.Williams 19, Erram 14, Castro 14, Pogoy 13, Khobuntin 6, Oftana 3, Tungcab 2, Marcelo 0, Montalbo 0.
QS: 29-19, 57-57, 87-81, 117-103.