ABAP SA PSA FORUM

IBABAHAGI ng mga opisyal at coach ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ang kanilang karanasan sa katatapos na qualifying tournament para sa 2024 Paris Olympics sa session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.

Ang governing body ng bansa para sa boxing ay kakatawanin nina secretary general Marcus Jarwin Manalo, executive assistant to the president Karina Picson, at  coaches Reynaldo Galido at Mitchel Martinez sa 10:30 a.m. public sports program.

Nakakuha sina Tokyo Games silver medal winner Nesthy Petecio at Aira Villegas ng puwesto sa Paris Olympics makaraang umabot sa  finals at semifinals ng kani-kanilang weight classes sa World Qualification Tournament na idinaos noong nakaraang linggo sa Busto Arsizio, Italy.

Ang dalawa ay naging ikatlong Filipino boxers na nag-qualify sa Paris matapos ni Eumir Felix Marcial.

Samantala, ang unang bahagi ng session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, at ArenaPlus, ang 24/7sports app sa bansa, ay tatampukan ng Super Series Philippines ng triathlon.

Tatalakayin ni Oliver Salas ang event na idinaos kamakailan ang My Daily Collagen Triathlon nito.

Hinihikayat ni PSA President Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, ang mga miyembro na dumalo sa Forum, na naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan din sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na isini-share din ang link sa kanilang official Facebook page Radyo Pilipinas 2 Sports.