NAHALAL bilang bagong pangulo ng National Press Club of the Philippines si Leonel Abasola ng Philippine News Agency sa katatapos na NPC Biennial Election noong Biyernes (advance voting) at Linggo, sa makasaysayang gusali ng NPC sa Magallanes Drive, Intramuros, Manila.
Natalo ni Abasola ang kanyang katunggali na si Joey Venancio, publisher ng Police Files Tonite, sa botong 167-98.
Kabilang din sa mga nahalal na opisyal sina Benny Antiporda, bise presidente, publisher/columnist ng Remate; Secretary Kristina Maralit, Manila Times; Treasurer Mina Navarro, Abante at Auditor Lydia Bueno, editor-in-chief ng Remate.
Sa mga direktor, pasok naman sina Aya Yupangco, ng DWIZ; Alvin Murcia, ng Philippine Tribune; Benedict Abaygar, Jr., Manila Times/ Pilipino Mirror; Gina Mape, DWWW; Madz Dominguez, Abante; Eduardo Reyes, Jr., Remate; Jeane Lacorte, Abante; Jun Mendoza, Philippine Star; Dennis Napule, Remate at Atty. Ferdinand Topacio, ng DWIZ.
Agad namang iprinoklama ng Election Committee ng NPC sa pangunguna nina Dave Veridiano, chairman; Vicky Cervales, vice chairman at Joseph Muego, third member, ang mga nanalong opisyal.
Sa isang panayam, sinabi ni Abasola na ang pagiging pangulo ng naturang samahan ay pinaghalong responsibilidad at pribilehiyo.
“It is a privilege to work with dedicated members of the NPC, and a responsibility to uphold the principles of journalistic integrity and press freedom that is a foundation of our profession,” ayon kay Abasola.
Si Abasola, na 22 taon nang mamamahayag mula sa iba’t ibang publication, tulad ng Manila Times, Manila Bulletin, Bandera at iba pa, ay naging director ng NPC, bago naging auditor, kalihim at presidente.