PLANO ni Makati Mayor Abby Binay na pagkalooban ng free meals ang mga public school children sa lungsod upang mabawasan ang pasanin ng mga magulang at maisulong ang tamang nutrisyon sa mga kabataan.
Ayon sa alkalde, inatasan na niya ang education officials na magsagawa ng masusing pag-aaral sa kung paano maisasama ang dagdag na benepisyo sa kasalukuyang programa, ang Project FREE (Free Relevant and Excellent Education), at maipatutupad sa mga pampublikong eskuwelahan sa lungsod.
“As a mother, I can empathize with parents worrying about being able to provide enough allowance for their children so they won’t go hungry while in school. But instead of giving them the traditional ‘baon’ in cash, we will give free meals,” wika ni Mayor Abby.
“With this added benefit, we would lessen the financial burden of parents and, at the same time, address malnutrition among our students,” paliwanag pa niya.
Sinabi pa ng alkalde na titiyakin ng pamahalaang lungsod na ang free meals na isisilbi sa mga estudyante ay masustansiya at balanse para maitaas ang kanilang kagalingan at mapaghusay ang kanilang learning abilities.
Umaasa siya na sa pamamagitan ng proyekto, matututo ang mga estudyante ng healthful eating habits at hihinto sa pagbili ng street foods, na hindi makontrol at lubhang mapanganib sa kalusugan.
Nanawagan din si Mayor Abby sa mga magulang na suportahan ang school project sa kanilang sariling pagsisikap na maghanda ng masusustansiyang pagkain para sa kanilang mga anak sa bahay.
Ang project study ay kinabibilangan din ng paggamit ng mga produkto mula sa organic gardens na minamantine sa mga eskuwelahan sa lungsod sa paghahanda ng free meals.
Sa kasalukuyan, ang mga prutas at gulay na inaani sa mga hardin ay ginagamit para sa supplementary feeding program para sa undernourished students. Ang mga sobrang produkto ay ibinebenta sa mga magulang at sa mga kalapit na maliliit na kainan, at ang kinikita ay ginagamit ng eskuwelahan sa pagmamantine sa gardens.
Kabilang sa mga prutas na itinatanim sa school gardens ay saging, Indian mango, Carabao mango, blackberry, rambutan, guyabano, kiat-kiat, at grapes.
Ang mga pananim na gulay na pinalalaki at ginagamit para sa pang-araw-araw na feeding program sa mga eskuwelahan ay kinabibilangan ng bawang, luya, sibuyas, lemon grass, kalamansi, chili, kamias, bell pepper, basil, malunggay, gabi, talinum, sala, Chinese kangkong, saluyot, petchay, mustard, papaya, okra, talong, kamote, cabbage, lime beans (bataw), carrots, gourd (patola), butterfly pea, gayundin ang rice grains.
“A joint effort of the city with the Department of Education-Makati, the Department of Environment and Natural Resources and non-government organizations, the organic urban gardening and vermiculture raising project in the schools aims to create a substantial and long-term impact on the fight to end hunger and poverty through food sufficiency and entrepreneurship,” ayon pa sa alkalde.
Ang Project FREE sa unang termino ng panunungkulan ni Mayor Abby ay pinalawak at idinagdag ang mga benepisyong tulad ng brand new pair of rubber shoes, na tinawag na ‘Air Binay’ ng Makatizens, raincoats at rain boots, hygiene at dental kits, at anti-dengue kits.