LAGUNA- INARESTO ng pinagsanib puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group- Laguna at Regional intelligence Unit ang incumbent President ng Association ng mga Barangay Chairman ng Bay dahil umano sa pag- iingat nito ng matataas na kalibre at hindi lisensiyadong mga baril.
Kinilala ni BGen. Jose Melencio Nartatez Jr, Calabarzon police director ang suspek na si Chairman Angelito De Mesa, 48-anyos, may- asawa at kasalukuyang Barangay Captain ng Barangay Masaya ng nabanggit na bayan.
Si De Mesa ay dinakip sa kanyang tahanan sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Agripino Bravo, Executive Judge ng Regional Trial Court, Lucena City.
Ayon kay Nartatez, ang raid sa bahay ni De Mesa ay sinaksihan ng kanyang mga kasamahan opisyal sa barangay at ng asawa nito na si Maria Fe at mga tanod.
Kabilang sa natagpuan mga baril sa isang lihim na kuwarto ni De Mesa ay isang caliber 5.56mm., isang M16 rifle; isang caliber 9mm machine pistol; isang caliber .45 at maraming mga bala ng ibat ibang uri ng baril.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Act si De Mesa at walang inirekomendang piyansa ang korte sa kaso nito. ARMAN CAMBE