ABC PRESIDENT TINAMBANGAN

BATANGAS- HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang Barangay Chairman at ex- officio ng Sangguniang Bayan makaraang tambangan ang minamaneho nitong SUV sa Barangay Ayao- Iyao , Lemery sa lalawigang ito Miyerkules ng hapon.

Sa impormasyon natanggap ni BGen. Jose Nartatez, Calabarzon police director, kinilala ang biktima na si Enrico Redwick Razon, 59-anyos, may- asawa at residente ng Barangay District 3, Lemery, Batangas.

Ayon sa Lemery police office, si Razon ay kasalukuyang ABC President ng Federation ng mga barangay chairman sa Lemery.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho umano ng biktima ang kanyang SUV nang sundan ng riding in tandem mula paglabas nito sa kanyang tanggapan hanggang sa kahabaan ng national road ng nabanggit na lugar.

Pagsapit umano sa isang hindi mataong lugar, dito na dinikitan ng gunman ang driver’s seat at sunod-sunod na pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo patungong Tagaytay road.

Agad naman naisugod sa Metro Lemery Medical Center si Razon subalit dead on arrival ito sa nasabing ospital.

Hindi naman tinamaan ng bala ng baril ang tatlong hindi pinangalanan kasama ng biktima.

Patuloy pa ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya. ARMAN CAMBE