ABISO MULA SA MERALCO PARA SA SINGIL SA KORYENTE NGAYONG BUWAN

Joes_take

MAGANDANG balita ang hatid ng Me­ralco sa mga customer nito ngayong buwan ng Hunyo dahil sa mu­ling pagbaba ng ka­buuang halaga ng ­singil sa ­koryente. Mula sa P8.75 kada kilowatthour (kWh) noong Mayo, bumaba ito sa P8.73 kada kWh para sa Hunyo. Ang ka­buuang halaga ng pagbaba na nagkakahalaga ng P0.02 kada kWh ay bunsod ng panawagan ng Meralco sa mga generation company na ipatupad ang probis­yon ng Force Majeure sa ­aming mga power supply agreement (PSA). Ito ang dahilan kung bakit mas bu­maba ang ge­neration charge ngayong buwan.

Bukod sa mas mababang singil sa kor­yente ngayong Hunyo, nais ding magbigay ng paunang abiso ang Me­ralco para sa ­aming mga customer na hindi pa nababasahan ng aktwal na konsumo ang metro mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ). Bagama’t nagbalik-operasyon na sa pagbabasa ng metro ng Meralco noong Mayo, may mga lugar na hindi pa rin mapasok ng aming mga meter reader dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng community ­quarantine.

Nito lamang ika-31 ng Mayo natapos ang pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) kaya ngayong Hunyo ay makaaasa na ang aming natitirang 2.8 milyong customer na hindi pa nabasahan ng metro na ngayong Hunyo ay maipakikita  na sa kanilang Meralco bill ang kanilang aktwal na konsumo mula nang ipatupad ang ECQ.

Para sa kaalaman ng aming mga customer na ngayong Hunyo pa lamang mababasahan ang metro mula noong ECQ, asahan po na mas mataas sa karaniwang halaga ng inyong mga bill ang matatanggap na singil ngayong Hunyo. Ito ay dahil hindi lamang isang buwan ang nakapaloob na konsumo rito. Ito ay may kasama ring mga konsumo na hindi naisama sa pagsingil noong Marso hanggang Mayo.

Nang ipatupad ng ­ating gobyerno ang ECQ, pansamantalang inihinto ng Meralco ang pagbabasa ng metro ng mga customer at ang paghahatid ng mga bill sa bahay ng mga ito bilang pagsunod sa protokol ng ECQ. Bunsod nito, ang mga bill para sa mga buwan ng Marso, Abril at Mayo ay hindi base sa aktwal na reading kaya hindi nasingil sa mga buwan na nabanggit ang aktwal na konsumo ng mga customer. Dahil sa pagbaba ng restriksyon ng community quarantine na nagsimula noong ika-1 ng Hunyo ay makasisiguro na ang aming mga customer na ang bill na kanilang sunod na matatanggap ay ayon na sa kanilang aktwal na konsumo.

Ang pansamantalang pag-estimate ng konsumo ng customer sa mga pagkakataon na hindi posible ang pagkuha ng aktwal na reading mula sa metro ay pinahihintulutan sa batas sa ilalim ng Distribution Services & Open Access Rules (DSOAR). Ayon sa panuntunan ng nasabing batas, ang gagamiting basehan ng estimation ay ang average daily consumption ng customer sa nakaraang tatlong buwan. Ito ay pinahihintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ngunit sa ilalim ng kondisyon na dapat ay maitama ang apektadong bill ng customer ayon sa aktwal na reading mula sa metro nito sa lalong madaling panahon.

Dahil hindi na­ging posible para sa Me­ralco ang mabasahan ng metro ang mga customer nito noong panahon ng ECQ, ang anumang na­ging pagtaas o pagbaba sa konsumo ng koryente sa mga partikular na buwan na iyon ay hindi na naipakita sa Meralco bill. Ngunit dahil ngayong buwan ng Hunyo ay tiyak na mababasahan na ang metro ng custo­mer, ang mga konsumo noong Marso, Abril, at Mayo na hindi naisama sa pag­singil noong mga nakaraang buwan ay isasama sa singil para sa buwan ng ­Hunyo kaya ito tataas.

Sinisiguro naman ng Meralco na sa kabila ng mataas na bill na matatanggap ng mga customer ngayong Hunyo, kung ano lamang ang ikinonsumo ng customer ay iyon lang din lamang ang sisi­ngilin ng Meralco – walang labis, walang kulang. Ito ay dahil ang tanging basehan lamang ng Meralco sa pagtutuos ng singil sa customer kada buwan ay ang nababasang konsumo sa metro ng mga ito.

Para sa mga customer na ngayong Hunyo pa lamang makukuhanan ng aktwal na reading mula nang ipatupad ang ECQ, maaari ninyong i-double check ang singil ng Me­ralco sa pamamagitan ng pagkukumpara ng hu­ling nabasang konsumo sa inyong metro bago ipinatupad ang ECQ at ang reading na makikita ninyo sa inyong Meralco bill ngayong buwan ng ­Hunyo. Simple lamang ang pagkalkula nito. Ang datos na nakukuha mula sa ating metro buwan-buwan ay makikita sa likod na bahagi ng ating bill sa ilalim ng Metering Information.

Upang makalkula ang inyong aktwal na konsumo mula nang ipatupad ang ECQ, kailangan ay malaman muna kung kailan huling nabasahan ang iyong metro at kung ano ang naitalang present reading para sa buwan na iyon. Kapag nakuha na ang datos na ito, ibawas lamang ito sa present reading na makikita ninyo sa likod ng inyong bill para sa buwan ng ­Hunyo. Muli po, kaya mataas ang makikita ninyong ­singil sa buwan ng Hunyo ay dahil bukod sa inyong  konsumo para sa buwan ng Hunyo ay may isinama pa ritong konsumo na hindi na­singil sa mga buwan  na tayo ay sumailalim sa ECQ at hindi nabasahan ng ­metro ng Meralco.

Upang malaman naman kung aling buwan ang hindi base sa aktwal na reading, tingnan ang likod ng Meralco bill. Kung walang datos na nakalagay sa Metering Information, ibig sabihin ay estimated ang konsumo para sa buwan na iyon. Dahil ang mga estimated bill na ito ay nai-charge na sa mga customer, ibabawas na ito sa kabuuang konsumo mula noong huling beses na binasa ng Meralco ang inyong metro bago mag-ECQ hanggang sa makukuhang reading ngayong Hunyo.

Isang pangkaraniwang obserbasyon ang pagtaas ng konsumo ng mga customer sa panahon ng tag-init. Ngunit ngayong 2020, dahil sa pandem­yang CO­VID-19, kasabay ng pagpasok ng panahon ng tag-init ay ang pagpapatupad ng ECQ bilang pagkontrol sa pagkalat ng virus. Dahil dito, mas na­ging mahaba ang paggamit ng koryente sa bahay. Kung dati ay nahahati ang ating konsumo dahil tayo ay pumapasok sa trabaho at ang mga bata ay nasa paar-alan, ngayon ay 24/7 tayong magkakasama sa ating mga tahanan kaya lahat ng konsumo ay nakasentro sa ating mga bahay.

Ayon sa pagsusuri sa aming Meralco Power Lab, sadyang mas malaki ang konsumo ng mga kagamitang gaya ng aircon at refrigerator kapag panahon ng tag-init. Tinatayang umaabot ng 25% hanggang 40% ang itinataas ng konsumo ng mga ito kumpara sa konsumong nairerehistro nito sa mga buwan na katamtaman lamang ang temperatura. Dahil sa mga nabanggit na kadahilanan, hindi na kataka-taka ang pagtaas ng ating konsumo nitong mga nakaraang buwan.

Upang makatulong sa pagpapagaan ng bayarin sa koryente  ng mga customer ngayong panahon ng pandemya, sa ilalim ng direktiba ng ERC, pinahihintulutan ang mga customer na bayaran ang mga bills na ito nang utay-utay. Para sa mga customer na 200kWh pababa ang konsumo noong Pebrero, maaaring bayaran ang ECQ bills ng hanggang anim na buwan. Apat na buwan naman para sa mga may konsumo na 201kWh pataas noong Pebrero. Kung nais ng customer na bayaran ng utay-utay ang kanyang bill, awtomatiko na itong maisasama sa installment kapag nanatiling hindi bayad ang bill. Hindi na kailangan mag-apply o magsabi sa Meralco na nais bayaran ang bill nang utay-utay. Ganoon lamang kadali.

Ang mga customer na ngayong Hunyo pa lamang makatatanggap ng bill na base sa aktwal na konsumo ay hindi rin kailangang mag-alala dahil ¼ lamang ng kabuuang bill ng Hunyo ang kailangang bayaran. Ang mg detalye patungkol dito ay nakapaloob sa isang liham ng paliwanag na matatanggap ng customer kasama ang Meralco bill ngayong Hunyo.

Bilang konsiderasyon sa kalagayan ng aming mga customer, mananatiling suspendido ang aming pagpuputol ng serbisyo ng koryente. Bago manumbalik sa normal na operasyon ng pagpuputol, makaaasa ang aming mga customer na magbibigay ng paunang abiso ang Meralco patungkol dito.

Batid ng Meralco na lahat tayo ay apektado ng pandemya kaya sinisiguro namin sa aming mga customer na kami ay handang tumulong at magbigay ng konsiderasyon sa abot ng aming makakaya. Para sa aming mga customer na may katanungan at may nais linawin, maaari po kayong tumawag sa ­aming 24/7 hotline sa bilang na 16211. Maaari rin po kayong mag-iwan ng mensahe sa aming Facebook at Twitter page. Maaari rin pong bumisita sa pinakamalapit na business center sa inyong lugar. Makaaasa po kayong narito ang Meralco para tumulong sa inyo.

Comments are closed.