IMBES na ang nakagawiang Traslacion para sa Mahal na Poong Nazareno, isasagawa ang isang Walk of Faith sa Linggo.
Sa ika-7 ng Enero ay magkakaroon ng isang misa sa hatinggabi sa Quirino Grandstand. Pagkatapos nito ay bubuksan na ang pila para sa mga tao upang makalapit sa imahe ng poon. Dati itong tinatawag na Pahalik, pero ngayon, bawal nang halikan ang Nazareno. Maaari na lamang hawakan at punasan ang banal na imahe.
Kinabukasan, ika-8 ng Enero, magkakaroon muli ng misa sa hatinggabi bago simulan ang Walk of Faith. Ito ay isang prusisyon para sa mga deboto na magsisimula sa Luneta papunta sa Quiapo Church. Maaaring magdala ng maliit na imahe ng poon, kandila, at rosaryo. Hindi papayagan ang malalaki o life-size na imahe. Bawal ding magdala ng matutulis na bagay kagaya ng matulis na payong, kutsilyo, at iba pa. Magkakaroon umano ng mga checkpoint sa daraanan ng prusisyon.
Sa ika-9 ng Enero mismo ay magkakaroon naman ng misa bawat oras. Magsisimula ito sa alas-tres ng hapon hanggang sa hatinggabi kung saan isang misa mayor ang ipagdiriwang ni Jose Cardinal Advincula sa Quirino Grandstand.
Nananawagan din sa mga motorista ang simbahan, Manila Police District, at iba pang ahensiya na kabilang sa mga nag-oorganisa ng naturang selebrasyon na alamin ang daloy ng trapiko sa mga araw mula ika-6 hanggang ika-9 ng buwan sapagkat pansamantalang isasara ang ilang kalsada sa lungsod ng Maynila.
Ang pakiusap ng simbahan at mga awtoridad sa mga deboto at publiko: Mag-ingat at sumunod sa mga pinaiiral na patakaran sapagkat patuloy pa rin ang pandemya.