(Abogadong galing sa Japan at isa sa San Juan) 2 BAGONG KASO NG COVID-19

Secretary Francisco Duque III

NADAGDAGAN pa ang kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa Filipinas makaraang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang dalawang karagdagang tinamaan ng sakit, dahilan para sumampa na sa lima ang kabuuang kaso nito.

Ayon kay DOH secretary Francisco Duque III, isa sa dalawang naturang kaso ay isang 48-taong gulang na abo­gado at may travel history o nag-tungo sa Japan.

Umuwi ito sa bansa noong ika-25 ng Pebrero at nagsimulang makaranas ng lagnat noong ika-3 ng Marso.

Agad naman itong nagpakonsulta sa doktor kung saan kinuhanan ito ng sample para sa pagsusuri at ika-5 ng Marso nang makumpirma itong positibo sa COVID-19.

Samantala, isang 62-taong gulang na Pinoy rin mula sa San Juan City ang panlimang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Duque, wala itong anumang travel history sa ibang bansa, ngunit madalas umanong bumisita sa Muslim prayer hall at mayroon ding hypertension at diabetes.

Ika-1 naman ng Marso nang magpakonsulta ito sa doktor at na-admit dahil sa severe pneumonia.

Ika-4 naman nang Marso nang kuhanan ng sample ang naturang pasyente at nakumpirmang positibo sa CO­VID-19 kinabukasan, ika-5 ng Marso.

Kasalukuyan namang naka-admit ang dalawang nagpositibo sa COVID-19 sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa.

Dagdag pa ng DOH, ang 48-taong gulang na abogado ay nasa maayos nang  kondisyon, habang ang 62-taong gulang na pasyente naman ay nakararanas ng severe pneumonia.

Ang naunang  tatlong kaso ng COVID-19 sa Filipinas ay mga turista na nanggaling sa China —dalawa sa mga ito ay naka-recover at ang isa ay nasawi.

Samantala, agad namang ipinasara  ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang Muslim prayer room sa Greenhills, San Juan.

Inatasan ni Zamora ang City Health Department na magsagawa ng mga disinfection sa nasabing lugar.

Ipinahahanap na rin ng alkalde  ang mga taong nakahalubilo ng pasyente nang ito ay magtungo sa nasabing prayer room noong hu­ling linggo ng buwan ng Pebrero.

Hinikayat naman ni Zamora ang publiko na maging kalmado sa kabila ng panibagong kaso ng COVID-19 kasunod ng apela na gawing regular ang paghuhugas ng kamay, paggamit ng hand sanitizer at pagtatakip ng bibig at ilong sa pagbahin at pag-ubo.

ELMA MORALES DETALYE  NG 3 DAYUHAN  NA MAY COVID BINUBUSISI NA NG DOH

NANGANGALAP na ang Department of Health (DOH) ng mga impormasyon at detalye hinggil sa kaso ng tatlong dayuhang bumiyahe ng Filipinas at nagpositibo sa COVID-19 pagbalik sa kani-kanilang mga bansa.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang unang kaso ay isang 38-taong gulang na lalaking Taiwanese na bumisita sa bansa  mula Pebrero 28 hanggang Marso 3.

Ayon sa kalihim, nakaranas ang dayuhan ng abdominal discomfort at diarrhea noong Marso 2, gayundin ng pananakit ng lalamunan, lagnat at malaise noong Marso 3.

Kaagad naman itong kumonsulta sa isang outpatient clinic sa Taiwan noong Marso 4, at noong Marso 5 ay nakumpirmang positibo ito sa COVID-19.

Sinabi ni Duque na ang paglitaw ng sintomas ng sakit sa pasyente ay Marso 2 lamang kaya’t posible umanong may taglay ng virus ang pas­yente bago pa man ito bumiyahe ng Filipinas.

Samantala, ang ikalawang kaso naman ay isang 44-year-old na Ja­panese male na bumisita sa Filipinas noong Pebrero 21 hanggang 28.

Gayunman, hindi pa batid kung sa Filipinas nga talaga nahawa ng sakit ang pasyente dahil bago ito bumisita sa bansa ay bumiyahe rin siya sa Cambodia, Vietnam, Thailand, at Japan, na pawang may mga kumpirmadong kaso na rin ng COVID-19.

Ayon kay Duque, tumuloy rin ang dayuhan sa tatlong iba’t ibang hotel nang bumisita siya sa Metro Manila at bumalik siya sa Thailand noong Pebrero 28.

Pebrero 29 nang makaranas siya ng ubo, pangangapos ng hininga at lagnat at Marso 3 lamang nang kumonsulta sa doctor sa isang klinika sa Cambodia, ngunit ini-refer sa isang pagamutan nang hindi siya isinailalim sa anumang tests.

Pagbalik na lamang nito sa Japan noong Marso 4 nang mag-positibo sa COVID-19 ang pasyente at kasalukuyang naka-isolate sa Aichi Prefecture Hospital.

“The extensive travel history of the patient suggests possible contraction of the disease in another country,” ani Duque.

Sa kabilang dako, ang ikatlong kaso naman ay isang babaeng naninirahan sa Sydney, Australia.

Ang pasyente ay dumalo ng kasal sa Maynila noong Pebrero 13 at bumisita sa Pangasinan.

Bumalik ng Sydney ang pasyente noong Marso 2, at noong Marso 3 ay nakumpirmang positibo siya sa COVID-19 ng New South Wales government.

“As for this case, DOH is still verifying information with the International Health Regulation National Focal Point Australia,” ani Duque.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na kukuhanin nila ang kabuuang impormasyon sa nasabing mga dayuhan, gayundin ang petsa ng kanilang pagbiyahe  sa Filipinas at mga lugar na kanilang pinuntahan upang matukoy ang mga taong nakasalamuha nila.

Tiniyak niya sa publiko na anuman ang makukuhang impormas­yon ay ibabahagi ito lahat at wala silang isisekreto.

Umapela rin ang mga health official sa publiko na iwasan muna ang mga haka-haka o mga ispekulasyon sa ngayon hinggil sa nasabing mga ulat.

“Hanggang wala pa ho tayong kumpletong impormasyon tungkol dito ay huwag po tayong mabahala. Ang DOH ay direktang nakikipag-ugnayan sa mga bansa na ito. Ibibigay namin kumpletong detalye kapag nakuha namin sa health authorities nu’ng mga bansa. Sa publiko, sana huwag muna tayong humusga, tignan muna natin ang impormasyon,” ani Vergeire, sa panayam sa radyo. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.