HINDI maitatanggi na maraming kanin ang itinatapon lamang sa basurahan ng mga kainan.
Sangkaterbang kanin ang nasasayang dahil sa dami ng mga kumakain na hindi naman nauubos.
Ang ilan ay umoorder ng dalawang takal pero hindi naman pala kayang ubusin.
May kumukuha pa ng extra rice na kalahati lang ang nauubos.
Natatapon ang kalahati.
Wala naman kasing gustong kumain nito, maliban na lamang kung kusa nilang ibibigay sa mga pulubi.
Sa basurahan ang bagsak ng mga kaning ito.
Walang ibang nakikinabang kundi ang mga nangongolekta ng kaning-baboy.
Kung sisilipin naman ang ilang pag-aaral, marami pa ring nagugutom o walang sapat na makain sa buong bansa.
Sa kabilang banda, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang bigas.
Pangako niya ito sa mamamayang Pilipino bago pa lamang siya umupo bilang Presidente noong nakaraang taon.
Sabi ni PBBM, abot-kamay na raw ang P20 kada kilo na bigas sa gitna ng pagtitiyak ng administrasyon na maging accessible sa lahat ang mga murang bilihin.
Kaliwa’t kanan ang Kadiwa ng Pangulo Centers ni Pres. Marcos kung saan nakakabili na ng P25 kada kilo na bigas.
Ang pinakahuling inilunsad ay ang sangay sa Pili, Camarines Sur.
Nabibili nang mas mura sa mga Kadiwa outlet ang mga pangunahing bilihin dahil binabalikat ng gobyerno ang transportation costs ng mga magsasaka.
Ibig sabihin, binabaklas ang mga middleman na siyang nagpapahirap sa mga mamimili.
Kung hindi ako nagkakamali, mahigit 500 Kadiwa outlets na ang nabuksan sa buong kapuluan.
Malamig naman sa P20-per-kilo rice ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Ayon kay Jayson Cainglet, SINAG executive director, kung ipipilit ito ni PBBM ay dapat i-subsidize ng gobyerno ang pagpapababa ng presyo ng bigas.
Maaari aniyang magdulot ito ng pagbagsak ng farmgate prices na magpapahirap naman sa mga magsasaka.
Well, isa rin sa mga dapat tingnan ng Marcos admin ay ang pagsasayang ng pagkain ng mga Pinoy.
Maganda ang layunin ng Pangulo sa pagpapababa ng presyo ng bigas.
Kung problema rin ng ilan ang pag-aaksaya ng kanin ng mga Pinoy, maaari namang magpasa ng batas laban sa pagsasayang ng pagkain.
Mahalagang balansehin din ang lahat.
Kung may mga nagsasayang ng pagkain, hindi ito kasalanan ng mga mahihirap.
Malabong mag-aksaya ng pagkain ang mga kapus-palad.
Sa totoo lang, noon pa marami nang nag-aaksaya ng kanin.
Kaya naman, sa palagay ko, dapat nang ihinto ng mga resto ang kanilang gimik na “unli rice” dahil ito ang marahil ang dahilan kaya maraming nasasayang na kanin.
Gayunman, ang mga ganitong pangyayari ay hindi rin naman dapat maging hadlang sa hangarin ni Pang. Marcos na mapababa ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.