ABOT KAYANG PAGKAIN TARGET NI PBBM

TARGET ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaroon ng sapat at abot-kayang pagkain para sa sambayanang Pilipino.

Kahapon ay muling pinulong ni Marcos Jr. ang mga opisyal ng Department of Agriculture sa Quezon City kung saan ay inatasan din ang mga kinauukulang opisyal ng kagawaran na magsagawa ng mga hakbang kung paano mapapalakas ang produksiyon na palay at gulay.

Nais din ng Pangulong Marcos na maiparating ang mga agricultural commodities sa mga consumer sa mas murang halaga.

Ayon sa Pangulo, plano niyang patatagin ang mga programang “farm- to- market road para mas mapalago ang produksiyon ng mga magsasaka sa harap ng napipintong krisis sa pagkain.

Gayundin naman ay isusulong ang mga programang makatutulong para mapaangat ang buhay ng mga nasa sektor ng agrikultura.

“Prayoridad sa ating plano para sa agrikultura ay ang pagpapatibay ng programang “farm-to-market road” at pagsusulong ng mga proyektong makakatulong sa ating mga kababayan sa sektor ng agrikultura. Titiyakin natin na may sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat!,” sabi ng Pangulo.

Kabilang sa mga tinututukan ngayon ni Pangulong Marcos ay ang mga hakbang para paghandaan ang epekto ng nakaambang food crisis, pati na ang pagpapalakas sa produksiyon ng livestock industry at maitaas ang kalidad ng manok sa mga pamilihan.

Masusi ring pinag-aaralan ng DA at tinututukan ang problema sa asukal na tumaas na rin ang presyo sa merkado. EVELYN QUIROZ