NAPAKAMAHAL ang magpaganda. Nakabubutas nga naman ng bulsa ang presyo ng beauty products. At ang ilan, ayaw sayangin ang pinaghirapan at pinagpuyatang salapi sa pagbili ng iba’t ibang produktong nagsasabing epektibo, pero hindi ka naman sigurado kung totoo nga.
Pero hindi lang naman mayayaman ang maaaring magpaganda, Maging ang mga ordinaryong tao o kapos sa budget, puwedeng-puwedeng makamit ang gandang inaasam-asam. At iyan ay ang paggamit ng mga natural na paraan. Narito ang ilang mga do-it-yourself beauty treatment na abot-kaya sa bulsa:
HUWAG PIGILAN ANG SARILING KUMAIN
Marami sa atin ang gustong-gusto ang maging sexy pero tamad na tamad namang mag-exercise. Tapos kung kumain pa, parang walang bukas. Ika nga ng ilan, parang construction worker lang kung kumain. Kanin kung kanin. Triple pa ang dami ng kanin kaysa sa ulam. Tapos kapag nagkabilbil, nagrereklamo at naiinis. Kapag nasita na tumataba, nagagalit.
Kabagot-bagot din naman kung minsan ang pag-eehersisyo. Paulit-ulit na lang kasi ang ginagawa mo. At kapag paulit-ulit, tina-tamad tayo at nawawalan ng gana lalo na kapag mag-isa lang tayong nag-eehersisyo.
Huwag mong pipigilin ang sarili mong kumain. Habang pinipigil mo kasi ay lalo ka lang natatakam. Hindi mo naman kailangang tiisin ang sarili mo at pahirapan, kumain ka lang ng tama. Nguyain mo ring mabuti at huwag kang magmamadali sa pagkain.
May ilan pa namang kababaihan na kapag nasita na tumataba, halos ayaw nang kumain. Tandaan ninyo, hindi solusyon ang hindi pagkain para pumayat o maging sexy ka. Problema lang ang hindi pagkain sapagkat manghihina ka. Bukod pa roon, baka maapektuhan pa ang trabaho mo.
Ang mga tao kasing hindi kumakain ay nagiging lambutin at nahihirapang mag-isip. Mali rin ang nakasanayan nating hindi pagkain ng almusal. Kaya iwasan ang mga ganitong gawi sapagkat lalo ka lamang tataba. Kumain lang din ng mga masusustansiyang pagkain at iwasan ang mga matataba, maaalat at mamantika. Kung hindi naman mapigil ang sarili sa pagkain ng mga matataba at mamantikang pagkain, kumain lang ng tama at mag-coffee o kaya naman ay mag-tea pagkatapos kumain para matunaw ito.
HUWAG TATAMAD-TAMAD
Ang simpleng paglalakad ay malaki ang naitutulong sa ating katawan para maging fit. Kaya, kung malapit lang naman ang pupuntahan, makabubuti kong mas pipiliin mo ang maglakad.
Kumilos-kilos ka rin lalo na kung nasa bahay ka lang. Oo, nakatatamad ang gumalaw-galaw kapag nasa bahay. Imbes na magpunas-punas ng ating mga bintana at lamesa, mas nawiwili tayong manood ng TV. Hindi naman masama ang panonood pero mas maganda kung habang nanonood ka ay magwalis-walis ka rin ng kuwarto mo o kaya naman ay magpunas ka ng lamesa. Mas makatutulong iyon sa iyo kaysa sa panonood ng TV at paglalaro sa computer. Kumbaga, gumalaw-galaw ka naman.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong magalaw o makilos ay nakakapag-burn ng higit na calories kaysa sa hindi nagkikikilos.
MATUTONG MAG-RELAX AT MAG-ENJOY
Importante ang pagre-relax at pag-e-enjoy sa buhay. Huwag mong isipin nang isipin ang problema. Oo, parati namang kabuntot natin ang problema. Halos ayaw rin tayong lubayan ng stress, gayunpaman, matuto tayong magpahinga. Kahit na napakarami nating ginagawa, maglaan pa rin tayo ng panahon para sa ating sarili at maging sa ating pamilya. Makatutulong ang pagba-bonding ng buong pamilya para maibalik ang lakas mo at mawala ang pagod na nadarama mo.
Kung tutuusin ay hindi nagda-diet ang mga fit na tao. Iniisip lang nila ang kanilang kalusugan kaya’t mas pinipili nilang kumain ng mga healthy food. Kumain din ng mga pagkaing rich in fiber.
CUCUMBER/TEA BAG PARA SA EYE TREATMENT
Dahil sa puyat at pagod, hindi maiiwasang mangitim ang ating mata at mamaga. May mga produktong ang claim ay matatanggal umano ang pangingitim ng ilalim ng iyong mata. Pero hindi naman kailangang bumili o gumastos pa sapagkat ang abot-kayang solusyon diyan ay ang yelo, pipino at maging tsaa. Puwede rin namang ang kutsarita. Ilagay lang ito sa ref at kapag malamig na, maaari na itong idampi sa iyong mga mata.
ABOT-KAYANG HAIR MASK PARA SA CROWNING GLORY
Hindi rin naman natin puwedeng pabayaan ang ating buhok. Ika nga, ito ang tinaguriang crowning glory. At dahil sa polusyon at pabago-bagong panahon, hindi maiiwasang maging dry at buhaghag ang ating buhok. Ang solusyon naman diyan ay ang paggamit ng coconut oil-honey-egg hair mask.
Paghaluin lang ang mga sangkap at saka ilagay sa buhok. Hayaan nakababad ang ginawang hair mask sa loob ng 30 minuto. Pagkalipas ng 30 minuto, banlawan na ito. Huwag munang gagamit ng shampoo matapos ang ginawang proseso.
Mabisa ito upang maiwasan ang pagiging dry at buhaghag ng buhok. Kaya bakit ka pa nga naman bibili ng mahal kung may simple at murang paraan.
PAGGAMIT NG BRUSH PARA SA PINK AND SOFT LIPS
Para naman ma-achieve ang pink at soft lips, isang magandang paraan naman ay ang paggamit ng brush. Dahan-dahang i-brush ang labi hanggang sa matanggal ang dead skin. Tiyak na sa simpleng paraang ito, natural na magiging pink ang iyong labi.
Isa ring magandang paraan ang pag-massage ng labi bago matulog. Maaaring gumamit ng lemon juice at almond oil balm sa prosesong ito nang maging shiny at soft ang lips.
MOITURIZING CREAM PARA SA PINOPROBLEMANG STRETCH MARKS
Kinaiinisan ng marami ang stretch mark. Kung mayroon ka nga naman nito, mapipigil ang kanaisan mong magsuot ng crop top o swim suit lalo na kung may stretch mark ka sa belly.
Isa itong kondisyon sa ating balat na nagmula sa tuloy-tuloy na pag-stretch ng balat kagaya ng makikita natin sa ating tiyan, dibdib, hita, puwitan, buttocks, at pang-itaas na braso na Sinasabing nangyayari sa isang taong nadaragdagan ng timbang kagaya ng pagbubuntis. Napag-alamang nasisira ang mga elastic fiber sa ating balat at nagiging sanhi ng stretch marks.
Gumamit ng moisturizing cream, oil, coconut butter o lotion bago matulog para mabawasan o mag-lighten ang pinoproblema at kinaiinisang stretch marks.
Nakatutulong ang moisturizing cream para hindi mag-dry ang balat.
Maraming simpleng paraan ng pagpapaganda. Kaya’t hindi porke’t butas ang iyong bulsa, hindi mo na makakamit ang gandang inaasam-asam mo. May abot-kayang paraan kaya’t hindi mo na kailangang mag-worry. CT SARIGUMBA
Comments are closed.