MAY hindi nagtrabaho kaya naipasara. Para namang bago nang bago, hindi gan’un kadali magpa-renew ng prangkisa sa Kongreso, hindi ‘yan nag-file ka ng application e matik nang maaaprubahan.
Alam ng lahat ‘yan lalo na ng mga media franchise owner. Tinatrabaho ‘yan, kung kailangang maging makulit ay magpakakulit magkaprangkisa lamang.
Ngayon may mga netizens na naglabas ng galit at sama ng loob sa social media dahil sa pagkakapasara sa ABS-CBN.
Ngunit saan at kanino talaga maisisisi ang kakulangan kaya naipasara?
Hindi ang National Telecommunications Commission (NTC) kahit ito ang nag-isyu ng “cease and desist” order sa ABS-CBN. Trabaho ng komisyon na ipatigil ang alinmang kompanya kung walang pinanghahawakang legislative franchise, mapa-GMA Net-work man ito o TV5 Network o isang maliit na local station.
Hindi NTC ang kalaban, napakamali ng hinalang ito. You are barking at the wrong tree, sabi nga. Hindi ang ahensiya ang dapat na lapain. Ang totoo’y suportado pa nga ni Solicitor General Jose Calida at ng iba pang eksperto sa batas tulad ni ex-Supreme Court Justice Antonio Carpio ang naging posisyon ng NTC.
Ayon kay Calida, sinusunod lang ng NTC ang batas at hindi ito dapat na sisihin.
“Without a valid and subsisting franchise from Congress, the NTC cannot allow any broadcasting entity from operating in the country,” ang paliwanag ng solicitor general.
Binigyang-diin niya na tungkulin ng Office of the Solicitor General na payuhan ang NTC kung ano ang legal sa hindi at maituturing na tinatalikuran nila ang kanilang trabaho kung hindi nila ito gagawin.
Ang punto de bista naman ni Justice Carpio: “I don’t think that the House or committee of the House has the authority to compel NTC to issue provisional authority. There is no basis to give a provisional authority because there is no franchise.”
Ibig sabihin, walang magagawa ang NTC (kahit gustuhin) kung eere ba o hindi ang “Ang Probinsyano” ni Coco Martin dahil hindi talaga ito saklaw ng kapangyarihan ng tanggapan.
Ang Kamara lang ang may tanging kapangyarihan pagdating sa paggagawad ng isang legislative franchise at klaro ito sa ating Saligang Batas. Pero ano ang ginawa nito? Balikan natin.
Inanunsiyo ni Speaker Alan Peter Cayetano noong October 29, 2019 na nakatakda na silang dinggin ang di-bababa sa limang panukala na naglalayong i-renew ang franchise ng ABS-CBN.
Hindi naman ito nangyari, lalo’t sinasabi na matindi pa rin ang galit ni President Rodrigo Duterte sa ABS-CBN dahil sa hindi paglabas ng kanyang 2016 campaign ads.
Kaya noong December 4, 2019, inihayag ni Cayetano na sa 2020 na nila uupuan ang mga ABS-CBN franchise renewal bills at may sapat pa naman silang panahon para rito.
Pero pagpasok ng 2020 hanggang sa magsara ang sesyon ng Kamara noong Marso, isang committee hearing lang ang nangyari ukol sa franchise renewal. Si Congressman Franz Alvarez ang chairman ng House Committee on Legislative Franchises at sinasabing bata-bata rin ng speaker.
Tinulugan lang talaga nila, ngayon kung tinutulugan e nararapat lamang na pinupukpok dapat ito ng ABS-CBN ngunit nagpabaya rin e.
Maging si Congressman Lito Atienza ay aminado na malaki ang naging pagkukulang sa isyu ng Kongresong kanyang kinabibilangan.
“Kasalanan ng Kongreso ito. But more importantly, I would like to say squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito,” ani Atienza.
Comments are closed.