ABS-CBN, WALANG UTANG SA BIR!

Abs-Cbn

KABILANG ANG Channel-2 ng ABS-CBN sa tumanggap ng parangal bilang ‘Top Taxpayer’s’ ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa hanay ng mga kompanyang regular na nagbabayad ng tamang buwis at may malinis na tax record o walang pagkakautang sa Kawanihan.

Maging ang Securities and Echange Commission (SEC) ay nagbigay rin ng kanilang sariling pahayag na sa kanilang pagkakaalam ay walang nilalabag ang ABS-CBN Corporation o sa maikling salita ay malinis din ang record sa kanilang tanggapan.

Ayon kay Simplicio Cabantac, Jr., ng BIR Large Taxpayers Service (LTS), mula taxable year 2016 hanggang 2019, ang broadcast company ay nagbayad ng kabuuang P14,338,464.716 bilang buwis.

Una nang sinabi ni BIR Deputy Commissioner for Operations Atty. Arnel Guballa na ang naturang kontro­bersiyal na kompanya ay walang nakabinbin na tax problem sa naturang ahensiya.

Sa kanyang panig, nagsalita na rin si SEC Commissioner Ephyro Luis Amatong na wala siyang natatandaan na mayroong reklamong isinampa ang sinuman sa kanilang tanggapan laban sa broadcast agency ng Channel 2.

“At this time,  we are not aware of any violation or any ongoing complaint or investigation involving ABS-CBN is a listed company that is subject to reportorial requirement. As far as we know, right now, no violation dosn’t preclude posible investigation,” ani Commissioner Amatong.

Ang LTS na ngayon ay pinamumunuan ni BIR Assistant Commissioner Manuel Mapoy ay nagsasagawa ng masu­sing imbestigasyon laban sa 1st 5,000 ‘big-time taxpayers’ sa buong kapuluan para busisiin ang kanilang tax records sa kung magkano ang dapat nilang bayarang buwis. Ang LTS ang siyang kumokolekta ng 60 percent sa kabuuang target tax collections ng BIR, samantalang ang 40 percent ay pinaghahati-hatian ng mga regional at district office.

Ang pinakamala­king  bulto ng koleksiyon ng buwis sa BIR noong nakaraang taxable year ay ang LTS o Large Taxpayers Service na nakapagrehistro ng P1.3 trillion mula sa mahigit na 5,000 top-corporations sa bansa – kabilang na ang mga conglome­rate companies at mga itinuturing na pinakamalalaking korporasyon sa Filipinas.

Noong nakaraang 2019 taxable year, ang BIR ay naatasang kumolekta ng kabuuang P2.309 trillion, mas mataas ng 13.24 percent kung ihahambing sa nakaraang taon. Ngayong fiscal year 2020, ang BIR ay may tax goal na P2.617 trillion, mataas ng 13.13 percent sa 2019 tax goal.

Sa susunod na taong 2021, ang BIR ay tinokahang kumolekta ng  P2.942 trillion, mataas ng 12.42 percent, habang sa taong 2022 o sa huling termino ni Pa­ngulong Duterte – ang BIR ay pinakokolekta ng halagang  P3.312 trillion o may increase na 12.42 percent.

Mahigpit ang utos ni BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay kina Metro Manila BIR Regional Directors Romulo Aguila, Jr., Albin Galanza (Quezon City), Maridur Rosario, Glen Geraldino (Makati City), Jethro Sabariaga (City of Manila), at Grace Javier (Caloocan City) – na higit na pag-ibayuhin ang pagkolekta ng buwis upang makuha ang kanilang inaasam na target tax collection goal ngayong fiscal year.

(Para sa inyong komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344 / 09266481092 o email:[email protected])

Comments are closed.