IPINASISILIP ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite sa Kamara ang nangyaring kapalpakan sa pagsisimula ng overseas absentee voting sa Hong Kong.
Sa unang araw kasi ng absentee voting sa Hong Kong ay hindi na-accommodate ng Philippine consular office ang libo-libong botante nagtungo roon para makaboto.
Hindi nakaboto ang ilan sa mga kababayan kahit maaga na nagtungo sa Bayanihan center sa Kennedy town dahil kulang ang mga makina para makaboto.
Sa halip kasi na sampung vote counting machines ay lima lang ang ibinigay ng Commission on Elections sa consular office.
Dahil dito ay ihihirit ng Bayan Muna sa Committee on Suffrage and Electoral Reforms na imbestigahan ang isyu kung saan ipapatawag dito ang COMELEC, Department of Foreign Affairs at ang Hongkong Consular office.
Titingnan din kung ang pagtapyas ng pondo ng Budget Department sa overseas voting ang isa ring dahilan sa nararanasang problema ngayon sa overseas absentee voting. CONDE BATAC