ABUEVA BALIK-LARO NA

Calvin Abueva

INALIS na ng Philippine Basketball Association (PBA) ang suspensiyon kay Calvin Abueva.

Inanunsiyo ng PBA sa website nito na makapaglalaro na ang Kapampangan cager sa Phoenix Super LPG Fuel Masters sa game nito kontra NLEX Road Warriors sa Lunes, Oktubre 26.

Ang 32-year-old forward ay pinayagang pumasok sa bubble sa Clark, Pampanga noong nakaraang buwan habang hinihintay ang pag-aalis sa kanyang suspensiyon.

Ang Fuel Masters ay kasalukuyang nasa ika-4 na puwesto sa team standings na may 3-2 kartada.

Noong Sabado ay tinalakay ng PBA officials kina Abueva, Phoenix Super LPG team manager Paolo Bugia at coach Topex Robinson ang guidelines sa pag-aalis ng suspensiyon.

Dumalo sa pagpupulong sina PBA Commissioner Willie Marcial, deputy commissioner Eric Castor, at technical officer Mauro Bengua.

Sakaling makagawa ulit ng paglabag o kasalanan  si Abueva, may inilatag nang multa at parusa ang liga. Kinokonsidera pa rin ang   suspensiyon bilang parusa.

“Abueva is likewise to actively participate in counselling programs,” sabi ng PBA.

Ayon sa PBA, humingi ng tawad at nagpasalamat si Abueva sa kanyang pamilya, koponan, fans, at sa liga para sa kanilang patuloy na suporta sa gitna ng isyu.

Umaasa si Marcial na may aral na natutunan si Abueva sa sitwasyon.

Si Abueva ay pinatawan ng indefinite suspension dahil sa kanyang clothesline hit kay TNT import Terrence Jones at sa verbal altercation sa girlfriend ni Ray Parks.

Comments are closed.