HANGGANG ngayon ay wala pang balita hinggil sa pag-lift ng suspension ni Calvin Abueva. Walang nabanggit si PBA Commissioner Willie Marcial kung ano ang mangyayari sa tubong-Pampanga sa 45th season ng PBA sa presscon noong Martes, Feb.25, sa Conrad Hotel. Ano nga ba ang plano ng PBA sa career ni Abueva? Sabi nga ng mga concerned sa player, sabihin na ang totoo kung makapaglalaro pa ba ito o pakakawalan na nila upang makapaglaro na sa ibang liga.
Maraming teams sa MPBL ang nag-aabang kay Calvin lalo na ang Pampanga team na posibleng sa next season ay si Governor Dennis Pineda na ang magiging team owner kaya naghihintay lang sila kung ano ang desisyon ni Kume Willie Marcial at ng PBA. Sa kasalukuyan ay abala si Abueva sa itinayo niyang restaurant sa may San Juan na siya mismo ang chef. Sa totoo lang ay miss na miss na rin niyang maglaro kaya nga panay ang laro niya sa mga ligang labas. Sana nga sa kalagitnaan ng Philippine Cup ay magkaroon ng resulta sa suspension ni Abueva
Congratulations kay Paolo Hubalde na pinapirma ng panibagong kontrata ng Valenzuela Carga team para sa next season ng Maharlika Pilipinas Basketball League. Maganda naman kasi ang ipinakita ni Hubalde sa kanyang mother team, kayang-kaya niyang makipagsabayan sa mga medyo bata sa kanya. Laking pasasalamat ni Hubalde sa Valenzuela Carga, lalo na kay team owner Samson Lato na pinagkatiwalaan siyang muli na maging part ng koponan. Congrats.
Nagsimula na ang PBA D-League kahapon sa FilOil Flying V Arena Center sa San Juan. Bago ang sagupaan ng Wangs – Letran Knights at EcoOil – DSLU Green Archers ay ipinarada ng 12 teams ang kanilang mga naggagandahang muses. Tulad ng AMA Online Senior High na muse si Ariela Arida, habang ipinarada ng Apes Mindanao – San Sebastian si Victoria Caneda; Miranela C. Montoya sa Dilimam College Blue Dragons; Kat Chuacuco sa EcoOil DLSU Green Archers; Lucia Alcantara at Samantha Ashley Lo, Family Enduran; Zenneth Irene Perolino, Seaoil – FEU Extreme Racers; Shiela Marie D. Britania, Karate Kid CEU Scorpions.
Si Katrina Raceles naman ang muse ng ADG Ding MAPUA, sa Marinerong Pilipino Skippers sina Chiara Mae Permentill at Colleen Laurie Bravo, habang ipinarada ng TIP Engineer si Key Chelsea Aquino at ng Wangs – Letran si Janella Reyn S. Manuel. Siyempre ay nagbigay ng inspirational talk si PBA Commissioner Willie Marcial para sa mga team, gayundin si Vice Chairman Demosthenes Rosales.