NAGHIWALAY na ng landas ang Phoenix at si Calvin Abueva, kung saan dinala ang power forward sa Magnolia Pambansang Manok kapalit ni Chris Banchero at ng dalawang draft picks.
Bukod kay Banchero, kinuha rin ng Fuel Masters ang first round pick ng Magnolia (sixth overall), gayundin ang second-round draft rights nito (18th pick overall) sa March 14 draft.
Samantala, kinuha rin ng Magnolia ang 2020 first round pick (10th overall) ng Phoenix.
Ang trade ay aprubado ng PBA.
“The trade is fair and beneficial to both parties because the two players are superstars in their own right and prolific scorers,” sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Umaasa sina Phoenix coach Topex Robinson at Magnolia mentor Chito Victolero na makatutulong sina Banchero at Abueva sa kani-kanilang title campaign sa 46th PBA season na magbubukas sa Abril.
Kalalagda pa lamang ni Abueva ng 3-year contract sa Phoenix, halos dalawang buwan ang nakalilipas.
Hinugot naman ng Hotshots si Banchero mula sa Alaska kapalit nina Rodney Brondial at Robbie Herndon. CLYDE MARIANO
Comments are closed.