ABANGAN ngayong araw ang 9th “Usapang Sports on Air” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) via Zoom kung saan magiging panauhin sina head coach Nash Racela at team manager Jacob Munez ng Blackwater Elite, boxing champion Mark ‘Magnifuco’ Magsayo at former Philippine Air Force Captain Joenel Pogoy. Tatalakayin nina coach Racela at team manager Munez ang nakaka-inspire na NBA Bubble na plano ng PBA na gawin rin sa pagbubukas ng liga sa Oktubre.
Tatalakayin naman ni Magpayo ang tsansa niya sa kanyang laban kontra American Fighter Joase Haro sa closed door fight na gagawin sa Microsoft Theater sa Los Angeles sa darating na Setyembre 23. Ito ang kauna-unahang laban ni Magsayo sa ilalim ng MP Promotions.
Ilalahad naman ni Pogoy ang mga plano niya ngayong pandemya.
o0o
Malamang ay makasama na si Calvin Abueva sa ensayo ng Phoenix LPG ngayong linggo sa balik ensayo ng mga PBA team. Ang mga player ng Fuel Masters ay pawang negatibo ang resulta sa swab test na ginawa sa kanila sa Makati Medical Center. Gayundin si Abueva, na naghihintay na lamang ng ‘go signal’ ni PBA Commissioner Willie Marcial para makabalik na sa paglalaro sa liga. Ang drug test, swab test, community service at psychology test ay naipasa ng tubong Angeles, Pampanga.
Sa 14 months na hinintay ng dating San Sebastian College player ay nagkaroon ng katuturan ang indifinite suspension na ipinataw sa kanya. Sa pagkakasuspinde sa kanya ay marami umanong natutunan si Abueva, una na rito ang pagiging isang family man. Kung dati rati ay wala siyang panahon sa pag-aasikaso sa mga anak, ngayon ay natutunan niya na hindi lamang ang asawa o babae ang mangangalaga sa pangangailangan ng mga anak, Nabago na rin niya ang ugali sa paglalaro. Hindi na siya tulad ng dati na pikon. Hahabaan na raw niya ang kanyang pasensiya. ‘Yung gigil sa laro at intensity ay naroon pa rin, iiwasan na lamang ni Calvin ang maging mainit ang ulo. Welcome back, ‘D Beast!
Comments are closed.