TULAD ng inaasahan ay pinarusahan ng PBA si Magnolia forward Calvin Abueva sa pag-dirty finger sa harap ng national television audience sa Barangay Ginebra-Magnolia Manila Clasico noong Linggo.
Sinuspinde ni PBA Commissioner Willie Marcial ang kontrobersiyal na player ng isang laro at pinagmulta ng P20,000 matapos na personal na makipagkita sa kanya sa tanggapan ng PBA nitong Miyerkoles.
Epektibo na ang suspensiyon sa laro ng Hotshots kontra NLEX Road Warriors sa Sabado sa Ninoy Aquino Stadium.
“Calvin Abueva sinuspinde ko ng one game. One game suspension at P20,000 fine,” sabi ni Marcial sa isang informal presser sa halftime ng Terrafirma-Meralco game sa Araneta Coliseum.
“Kapag inulit niya pa ‘yun, sabi ko dadagdagan ko ‘yung suspension niya, dadagdagan ko ‘yung fine niya. Sabi niya hindi niya na uulitin pa iyon. Pero tingnan natin.”
Si Abueva ay nakita sa camera na nag-dirty finger sa isang fan sa ringside sa huling bahagi ng opening period ng Ginebra-Magnolia match.
Ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng halos dalawang buwan na pinagmulta si Abueva ng liga.
Sa Game 2 ng Commissioner’s Cup finals, ang Magnolia star ay pinagmulta ng P100,000 dahil sa pangungutya sa physical disability ni San Miguel coach Jorge Gallent, isang insidente na nakita rin sa national television.