ABUSADONG EMPLOYERS NG MGA OFW MANANAGOT

John Bertiz

WALA nang lusot at tiyak na mananagot ang mga abusadong foreign employer ng mga overseas Filipino worker (OFW) kapag naitatag na ang Department of OFW.

Ayon kay dating ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz, sa oras na maitatag na ang bagong kagawaran ay mayroon ng ahensya ng pamahalaan na tututok sa mga problema na kinakaharap ng mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa pamamagitan ng Department of OFW, magiging “streamlined” na ang serbisyo ng pamahalaan para sa mga Filipinong empleyado abroad.

Aniya, mas mabibigyan ng ibayong pansin ang pakikipag-ugnayan ng Filipinas sa mga host countries sa pagsusulong ng mga karapatan ng OFWs.

Ani Bertiz, sa tuwing may problema at kasong kinakaharap ang mga OFW katulad ng sa Saudi Arabia ay pawang local labor laws lamang ng Filipinas ang naikokonsidera.

Dahil dito, mga ahensya or recruiter lamang ang tanging napapanagot at hindi na nahahabol pa ang mga abusadong employer.

Iminungkahi rin nito, sa itatatag na Department of OFW ay matutukan din ng pansin ang reintegration program para mga OFW na nais nang umuwi ng bansa.