ABUSADONG NAGPAPAUTANG, KOLEKTOR LAGOT

Senador Win Gatchalian-3

TIYAK na magdalawang isip ang mga abusadong nagpapautang at nangongolekta ng utang dahil mananagot  na ang mga ito sa batas.

Ito ang nakapaloob sa inihain ni Gatchalian na Senate Bill No. 1336 o ang “Fair Debt Collection Practices Act” na magbabawal sa paggamit ng ‘di makatarungan, mapanlinlang at abusadong pa­ngongolekta at paniningil ng utang sa bansa.

Ani Gatchalian, ang panukalang batas na ito ay bunga ng mga samu’t saring reklamo na natatanggap ng kanyang opisina kung saan ang ibang biktima ay tinatakot na hihiyain sa social media dahil sa kanilang pagkakautang o kaya naman ay palalabasin na sila’y hinabla ng kanilang pinagkakautangan.

“Layunin ng panukalang batas  na ito ang pagtanggal ng abusado at hindi makatarungang pa­ngongolekta ng debt collectors ng utang laban sa mga kababayan nating nangangailangan,” ani Gatchalian.

“Sinisiguro rin ng naturang panukalang batas na maprotektahan naman ang mga debt collector na hindi nang-aabuso,” dagdag pa ng senador.

Sa panukalang batas ni Gatchalian, pinagbabawalan ang sinuman na tagasingil ng utang na mang harass o mang-api ng mga taong may utang, kasama na rito ang paggamit ng mapanlinlang na representasyon o pamamaraan ng pangongolekta ng utang.

Layon ng naturang panukala na siguruhing confidential ang lahat ng impormasyon ng mga umutang, maliban na lamang kung mayroong pahintulot ng nangutang.

At kapag naisabatas ito, papatawan ng P30,000 na maximum penalty, kasama na ang aktuwal na damages, ang sinumang lumabag dito. VICKY CERVALES

Comments are closed.